Saturday, December 8, 2012

ANDIYAN NA SI NANAY


Andyan si Nanay! Medyo nabigla ako nang marinig ko ang boses ni Des. Matamlay ako.  Nilagnat kasi ako kagabi. Parang kagabi lang tinatawag ko si Nanay  habang nahihibang ako sa lagnat. “Napanaginipan kita kagabi, may sakit ka daw”, sabay dampi ng kanyang kamay sa aking  noo. O, may lagnat ka nga. Bakit alam niya? Ah, siguro, dahil siyam na buwan niya akong dinala sa kanyang sinapupunan. Ilang taon nga ba ang ginugol niya sa pag-aalaga sa akin.Dinalhan kita ng paborito mong “tupig”. O kaya mo na bang kumain? Ok lang ako Nay, sagot  ko. Hindi naman na ako baby.


Naala ko nuong bata pa kami, kapag may lagnat, bibili na siya ng Royal Softdrinks. Ewan ko naman kung ano ang relasyon ng Royal sa lagnat namin. Magluluto siya ng Arroz Caldo. Lagi siyang nakabantay.  Laging sinasalat ang noo kung may lagnat pa ba o wala na.  Ilang araw lang, magaling na kami. Hindi ko alam kung sa Royal ba o sa matiyaga niyang pagbabantay.

Tanda ko pa noon kung paano niya kami patulugin. Sa mga hele ng kanyang awitin, ay para kaming idinuduyan. Hanggang ngayon, naalala ko pa ang awiting  lagi niyang pampatulog sa amin:
“Ayaw kong ayaw kong mag-alaga ng manok,
Kung ako’ aalis, kung akoy aalis, aking hinahaplos,
Pag ako’y dumating, pag ako’y dumating,
Balahibo  ay gusot,
Ay, iyan ang simula, iyan ang simula, ng hindi, magaling.”


Hindi ko naiintidihan kung ano ang ibig sabihin ng awitin, pero sa himig nito, basta nakakatulog na ako. Kaya ayun, hanggang sa pagtanda, parang sirang plaka, paulit-ulit, umuukilkil sa isip ko.
May mga pagkakataon, bigla siyang susulpot sa bahay. Nakakaaliw ang mga kwento niya. At kapag sinimulan niya talagang, simula at sa gitna, may pasakalye. Parang advertisement sa TV. Kailangan may hintayin mo kung kaylan niya wawakasan ang sinumulan niyang kwento. Napakatining ng kanyang memorya. Natatawa ako at naaliw, kapag kumambyo siya, at sasabihin niya, teka lang, may nakalimutan pala ako. Bigla kaming magtatawanan, na nakikinig sa kanya. Siguro, kung naging manunulat siya, makakatanggap siyang ng “Palanca Award.”

Maalalahanin si Nanay.  Minsan nga hindi naman niya problema, pinoproblema niya. Ang sabi ko nga, Nanay, malalaki  na ang mga anak mo. Hayaan mo na sila ang humanap ng solusyon sa kanilang problema. Pero talaga yata na likas sa isang Ina ang maging mapagkalinga. Tulad ng isang inahing manok, titipunin niya sa kanyang mga pakpak  ang mga inakay para maipagtanggol sa mga Agilang umaaligid sa kanya.

Noong huling magkita kami ni Nanay, nakita ko kung  paano unti-unting iginugupo siya ng katandaan. Wala na ang mga kwentong nagpapasaya sa amin. Nakita ko na unti-unti nawawala na ang kanyang memorya. Ang masaya doon,  kilala pa rin niya ako.  Kailan ba ang alis mo patungong Bahrain, tanong niya? May namuong luha sa kanyang mga mata. Napakamot ako sa batok,"next week na", sagot. ko. Hindi mo naman ako nami-miss. Sino nagsabi. pakli niya. Alam ko kasi hindi naman ako ang paborito mo. May himig hinampo ang boses ko. Yun tipong naglalambing sa Nanay. Gusto ko kasi sabihin niya, wala naman akong paborito, lahat kayo mahal ko. Lahat kayo mga anak ko. Ngumiti lang siya. Siguro nga mahirap magpalaki ng sampung anak. Sampung magkakaibang ugali. Pero iginapang niya kami. Naitawid niya ang pagpapalaki sa amin. Sapat na lumaki kami at nakapag-aral, lumaban sa mga unos ng buhay. Kahit papaano, nanduon pa rin ang kanyang dignidad bilang isang ina. Hindi kayang tumbasan ng kahit anumang salita, ang pasasalamat ko sa kanya. Dahil alam ko, ang bawat ina, handang magsakripisyo, handang itaya ang lahat-lahat, gumanda lang buhay ng kanilang mga anak. Kahit nga sabihin,  na ang mga anak, nagdaraaan lang sa mga ina. At ang mga anak ay hindi nila pag-aari. Darating ang panahon, aalis ang mga anak, at magtatayo ng sarili nilang pamilya. 

Pasalubong ko sa iyo. Inabot ko  sa kanya ang isang gintong kuwintas. Ako na ang magsusuot sa iyo.Para lagi mo akong naalala, sabi ko. Nakangiti siya. Sino ba kasi ang nagsabi na hindi kita paborito, tanong niya? Pareparehas lang pagtingin ko sa sa inyo. Lahat kayo, pantay pantay. Sa tototoo, hindi ko naman gustong manumbat. Gusto ko lang arukin kung paano niya sasagutin ang mga tanong ko. Gusto ko kasing maglambing. Gusto ko muling marinig ang mga hele niya sa amin. Gusto kong marining ang mga awit niya bago kami matulog sa gabi.

Bakit kaya ang mga Nanay nararamdaman ang mga sakit ng kanilang mga anak? Hindi lang minsan nangyari, biglang siyang dumarating kapag ako ay maysakit. .  Siguro dahil galing ako sa sinapupunan niya. Malalim ang nagbibigkis sa isang ina at isang anak. Hindi ito kayang patirin ng distanya, ng mga hinanakit, ng mga problema. Dahil ang Ina ay Ina. Malalim ang pinaghuhugutan ng kanilang pagmamahal. Marahil, hindi ko lang sinabi sa kanya,ngunit sa puso ko, sa bawat pintig nito, mula sa mga libolibong ugat, at dugong dumadaloy dito, Mahal na mahal ko ang Nanay ko. 


Disclaimer: Pictures and sketches shown in this blog  are  not owned by the Author. The material appearing in this blog was all found on the internet and assumed to be in the public domain. I claim no credit for the pictures or videos posted on this blog, if you own the copyright on a particular photo or video, then email me at quilonreynaldo@gmail.com

Monday, November 26, 2012

ANG PANGANAY


Ang Panganay

Si Ateng ang panganay sa sampung magkakapatid. Sa lahat   ng panganay, siya na yata ang maituturing kong pinanindigan ang pagiging responsable, matapat, magalang at mahusay sa bahay. Kung baga, nahubog siya sa matandang kaugalian, na siya ang tumayong pangalawang magulang kapag wala ang Nanay at Tatay. At hindi lang yan, isa siyang mahusay na guro ng mataas na paaralan. Para sa amin, masungit siya ngunit kabaliktaran naman ang pahayag ng kanyang mga naging estuduyante. Mabait daw siya, malambing at mahusay makisama. Pati ang kanyang mga dating  kasamahang guro, mataas ang paghanga at papuri sa kanya.
Masaya kami kapag dumating siya sa aming bayan. Kasi nga, bihira siyang umuwi galing ng lungsod. Para sa akin, fiesta na naman. Napakasarap kasi niyang magluto. Estupado, menudo, kare-kare, kaldereta kahit ano alam niyang iluto. Siguro namali lang siya ng kursong kinuha dahil napunta siya  sa pagtuturo. Marahil, mas magiging matagumpay siyang chef kung sining ng pagluluto ang kanyang kinuha.

Alam ko malaki ang sakrispisyo niya sa amin. Maraming taon ang ginugol niya para tulungan kaming makatapos ng pag-aaral. Tandang-tanda ko pa nang sabihin niya na magluto daw ako ng tinola. Tinola? Paano bang lutuin ang tinola, tanong ko sa kanya? Aba, kahit lalaki ka dapat marunong kang magluto. Pagkaraan, inisa-isa niya ang paraan ng pagluto ng dakilang tinola. Isinama niya ako sa palengke, at ginaygay ang kahabaan ng Kalye Burgos, para makakita ng manok na gagawing tinola. Dapat daw amuyin kung sariwa ang manok. Humanap kami ng berdeng papaya mula sa puno, dahon ng sili,  luya, patis,  at lahat ng sahog sa panggisa.  Umiiyak ako habang binabantayan ang kawawang manok na ginigisa. Hindi dahil naawa ako sa kanya. Naawa ako sa sarili ko dahil hindi ako sanay magluto. Habang umaawit si Claire dela Fuente ng “Tukso Layuan Mo ako”, panay ang pahid ko sa luhang bumabalong sa aking mga mata.  O ayan, masarap naman ang iyong tinola. Nakangiti na siya. Sa susunod, adobo naman. Sa loob-loob, ko baka magtayo kami ng karinderya at gawin niya akong tagapagluto. Hindi, ayoko. Nagsusumigaw ang puso ko, na ayaw ko, pero hindi pwedeng rason yun. Ang panganay ang nasusunod.

Dahil nasa Kolehiyo na ako, marami na din akong pangangailangan. Syempre nakitira lang ako sa kanya dapat matuto akong makisama. Alas sais en punto, dapat nasa bahay na galing ng school. MInsan na “late” akong  umuwi, mga five minutes. Nang dumating ako, nasa may pinto na  siya. Anong oras na?  Ateng, nagpraktis kami para presentation bukas, sagot ko. Hindi lang siya umimik, pero alam ko galit siya. Noon hindi ko maintindihan kung bakit napakahigpit niya, at saka ko lang napagtanto na ginawa niya yun para sa aming kabutihan. Ilagay mo sa isip mo na dapat makatapos ka ng pag-aaral. Iyan ang lagi niyang pangaral. Dahil ayaw ko naman na siya lahat ang gumastos sa akin, naghanap ako ng part-time job. Kahit papaano, naitaguyod ko ang aking pang-araw araw na gastos. Nagulat ako minsan dahil, ipanagmamalaki niya ako sa co-teacher niya. Kahit pala madalas siyang magalit, palihim lang ang paghanga niya. Sa loob-loob ko, mabait naman pala siya.

Ang maipagmamalalaki ko  sa kanya, maalahanin siya. Lagi siyang may pasalubong kahit saan siya pumunta. Tanda niya ang lahat ng Birthdays. Anniversary. Pasko. Bagong Taon. Sa lahat ng okasyon, may masarap siyang niluluto na siya naming pinakakaabangan. Kahit maliit na bagay lang, lagi siyang may inaabot. Nakatapos din ako ng pag-aaral, at sa panahong nakasama ko siya, natuto akong magluto. Natuto akong makisama. Natuto ako sa buhay na malayo sa Nanay at Tatay. Natuto ako na hindi lahat ng bagay ay nakukuha nang madali. At higit sa lahat, hindi pala lahat ay  natututuhan sa apat na sulok ng paaralan. Ang sabi niya, minsan dapat daw tumanaw ka lang sa bintana at makikita mo kung ano ang reyalidad ng buhay. Siya ang nagturo sa akin na ang mga karanasan ang siyang pumupuno sa ating  pagkatao.

Bago ako pumunta ng ibang bansa may sinabi siya akin. Hindi ko maintindihan kung bakit inihabilin niya ang bunso niyang anak. Lagi mong subaybayan ang inaanak mo ha. Bakit, tanong ko? Baka kasi hindi makatapos ng pag-aaral. Pilyo kasi. Hindi ko lang pinansin yun. Pero sa isang sulok ng isip ko, bakit kaya niya sinabi yun?

Nakarating ako ng Bahrain. Para sa akin bagong adventure. Bagong pakikihamok sa buhay. Minsan isang gabi, nanaginip ako. May isang babaeng nakaputi. Nakatingin sa akin. May narinig akong umuungol. Napabalikwas ako at nagising. May umuungol sa kabilang kuwarto. Ang kaibigan ko, binabangungot. Niyugyog ko siya at pilit ginising. Nagising siya at nangangatal. May isang babaeng nakaitim, sabi niya, nakatingin  akin. Ang sabi ko, ako din ay nanaginip at may babaeng nakaputi at kakatingin din sa akin.  Kinabukasan, alas sais ng umaga at nag-ring ang aking cellphone. Normal na sinagot ko.  Ang sabi sa kabilang linya, wala na si Ateng. Umikot ang mundo ko. Hindi ko maintindihan. Saan siya nagpunta, tanong ko? Patay na. Maraming tanong sa isip ko. Maraming marami, na hindi kayang sagutin. Bakit siya pa? Umaagos lang ang luha sa aking mata. Hindi mapatid-patid. Paano akong uuwi? Dalawang taon ang kontrata ko.


Nailibing si Ateng, hindi ako nakauwi. Marami akong gustong sabihin. Marami akong dapat ipagpasalamat. Nagtirik ako ng kandila para sa kanya. Gusto ko siyang alayan ng maraming bulaklak. Gusto ko siyang gawan ng magandang tula. Gusto ko siyang iguhit sa aking panaginip.

Wala na ang panganay na nagturo sa aking kung paano mabuhay nang mag-isa.



Friday, November 9, 2012

SI BARURAY



Kaibigan ko si Baruray. Naging co-teacher ko siya noon sa isang pamantasan sa Pilipinas. Simple siya sa pinakasimpleng taong nakita ko. Kaya lang kapag nakausap mo na siya, magbabago ang pananaw mo sa  buhay.   Unang makadaupang palad ko siya eh kinalyo ang ngala-ngala ko sa katatawa. Ang sabi ko, ano ba naman ito, digital age naka suot pang 80’s pa. May suot pa siyang antipara at may brace ang ngipin. Kasi daw, kapag may braces, sosyal. Dahil nga doon, parang hindi niya maisara ang kanyang bibig.  Kaya lagi siyang nakangiti.

Tinanong ko siya kung nasaan ba siya ng magsabog  ng ganda ang Panginoon. Ang sagot niya, nanduon lang daw siya at talagang inabangan niya ang pagkakataong iyon. Chance of a life time  daw  at   isang milestone nga sanang matatawag. Eh bakit parang wala kang nasalo , tanong ko?  Kasi Kuya Naldy, nagpayong ako. Ayun tuloy, hindi ko nasalo.
Marami siyang mga kwento na ikakaaliw mo. Kapag  nasa bahay siya, lagi siyang nag-popose na parang magpapakuha ng larawan. Kapag  elementary daw, parang inonsente na halos hindi mangiti. Parang nagugulat pa kapag nag-flash ang camera. Ang susunod na gagawin niya, magpo-pose siya na parang High School. Hahawak kunyari  sa mga gumamelang binuhusan ng Beer, na medyo nakangiti, ngunit impit at parang hindi mapakali.  Pagkatapos noon, college na. Ang gagawin niya aakap siya sa pader, itatas ang balakang at saka iwawasiwas ang buhok niya na parang nang-aakit.  Siya daw ang babae na hindi kaylan man tinatapos ang kasal kapag uma-attend  siya ng Wedding Celebration. Tinanong ko siya kung bakit, kasi daw bakit lahat na lang ng babae, ikinakasal, siya lang ang hindi.

Alam mo Kuya Naldy, kapag nagmahal ako sobra-sobra. Talaga? Tanong ko. Yes!!Sagot niya. “Yun ngang una kong nobyo talagang minahal ko. Kaya lang nag-break kami agad. Kasi ba naman akala ko kami na, dahil lagi kaming namamasyal, kumakain sa labas. Parang date baga.  Yun  nga lang, lagi ako ang taya. Pero ok lang sa akin yun kasi mahal ko eh. Tapos minsan nag-fiesta sa kanila, inin-vite niya ako. Ang sabi niya sumama daw ako sa kanila. Gusto kong mag-paimpress sa magulang kaya naghanda talaga ako. Bumili ako ng sugpo, alimango,lapu-lapu. Kung pwede nga lang lahat ng isda sa dagat bilhin ko. Kasi ba naman makikilala ko na ang aking biyenan. Para ngang lumalakad ako sa alapaap noon. Hindi ko inintindi yun biyahe dahil lubak-lubak ang daan. At hindi man niya ako tinulungan sa pagbubuhat ng mga daladalahan ko.  Nang dumating kami sa harap ng kanilang dampa, aba eh siya na ang kumuha ng lahat at ibinigay sa kanyang ina.  Hindi man ako ipinakilala basta sabi niya umupo daw ako kahit saan.  Tapos noon, hinihintay ko maluto ang mga dala ko. Parang wala naming iniluto. Talagang gutom na gutom ako. At saka para namang walang mga tao  o banda ng musiko. Tinanong ko siya kung bakit, walang musikero, o banda. Ang sagot niya, sa susunod daw na punta ko,  talagang fiesta na. Naawa siguro yun Nanay niya kaya pinakain ako ng ginataang munggo. Sa isip-isip ko, talagang, ganoon dapat intindihin dahil ang pagmamahal daw ay matiisin. Medyo nainip na ako kaya, niyaya ko na siya pauwi ng Cabanatuan. Ang sagot niya, hindi daw siya makasama dahil may dadalahuhan siyang kasalan kinabukasan. Ang masakit pa noon, nanghiram  pa siya ng isandaan  para daw siya makauwi . Inihatid lang niya ako ng tingin. Okey lang sa akin  yun, ang masakit wala pang bihaye pauwi, hindi uso sa kanila ang tricycle kaya naglakad ako ng sampung  kilometro  hanggang sakayan. Hinabol pa ako ng tatlong aso sa daan. Buti nga at may dala akong payong, kung hindi para akong basang sisiw na nilalapa ng Agila. Sa loob-loob ko, ang unang asong dumampi sa balat ko, papatayin ko. Sa aso ako talaga nagalit hindi sa kanya.”


Ang morbid naman pala ng unang pag-ibig mo, pakli ko." Hindi naman. Alam mo Kuya Naldy, noong magkita kami, tinawag niya akong Sweety. Ayun, napawi lahat ang alalahanin ko. Tinanong nga niya kung galit ako sa kanya, sabi ko hindi. Wala akong karapatang magalit sa mahal ko. Sabi niya sige para makabawi ako sa iyo, eh pupunta tayo ng party. Debut  ng kaibigan ko kaya isasama kita. Talaga? Kumislap talaga ang  mata ko sa excitement.  Hindi siya nagdalawang salita sa akin. Pumunta agad ako sa pook ng mga  ukay-ukay para makabili ng makintab na damit. Siyempre, debut yun, dapat kumukutitap ang suot ko. Para hindi nakakahiya, hiniram ko yun jeep ng friend ko. Sabi niya kasi marunong siyang mag-drive. Nasa kalagitnaan ng daan, aba eh tumirik  ang  aming sasakyan. Paano na tanong ko? Ayun, pinagtulak niya ako ng jeep mula Burgos Street  hanggang Zulueta. Ang kumukutitap kong damit,  nawala ang kinang. Ang nakakainit ng ulo, sinabayan pa ng kanta ni Sharon Cuneta, ang "Bituing walang ningning". Bali na nga takong ng sapatos ko, duguan pa ang mga paa ko.  Bandang huli ang sinisi ko yun friend ko na nagpahiram ng jeep. Nakalimutan daw niya kasing sabihin na walang gasolina.”

Dahil doon kaya   kayo nag-break, tanong ko?  Hindi pa. Minsan niyaya niya akong manood ng sine.Sabi niya, mauna na daw ako sa Mall at bumili  ng snacks at ticket. Kandarapa naman akong bumili ng pop-corn, softdrinks, at kung ano-anong kukutin. Syempre, excited ako. Tumubos na ako ng dalawang ticket. Kay Fernando Poe pa yata ang palabas noon kasi mahilig daw siya sa action. Isang oras ko siyang hinintay. Yun pop-corn nga, naubos ko na kahihintay. Ang sabi ko na-traffic lang yun. Naghintay pa rin ako. Naglabasan na ang mga tao sa sinehan,  hindi pa rin siya dumating. Nag-alala ako. Pero nawala lahat ng makita ko siya.May kasama siyang iba. Sabi niya sa akin, akina ang ticket, mauna ka na. Ibinigay ko naman. Nasa likod ako, nasa harap ko sila. Hindi naman drama ang pinanunuood ko, pero iyak ako ang iyak.  Ang sabi ko, impakto ka, ipakukulam kita. Kaya ayon, break na kami.

Sabi ko, ang martir mo naman. Oo nga. Kasi gusto ko kapag nagmahal ako, ibubuhos ko lahat lahat  sabi niya.  Bakit? Tanong ko. Eh kasi ampon lang ako. Sino nagsabi, tanong ko muli. Yun adoptive parents ko. Iniwan lang daw ako sa harap ng pinto ng bahay nila. Mabuti nga mababait yung umapon sa akin. Inari nila akong tunay na anak, binihisan at pinag-aral. Kaya bilang ganti, ayun, nag-aral akong mabuti. Nabiyayaan ako ng konting dunong, kaya naging Summa cum Laude.


Dahil sa nalaman ko, nag-iba ang tingin ko kay Baruray. Hindi naman talaga yun ang pangalan niya. Bininyagan lang  naman  siya ng ganoong  pangalan, kasi nga, mahilig siyang magkwento ng nakakatuwang  serye ng buhay niya. Sa  kabila pala  ng mga halakhak at nakakatuwa niyang kwento, nasa likod noon ang isang pangungulila, ang paghahanap ng tunay na pagmamahal.  Kaya pala kahit sa mga kaibigan, kakaiba siya. Ibubuhos niya lahat sa kaibigan para lang maipakita lang kung paano siya magmahal.  Isa lang daw ang hinihiling niya sa Diyos, tuwing nagdarasal siya. Sana, kahit papaano, makita niya ang kanyang tunay na ina at ama.   

P.S.
Tinanong ko si Baruray kung sakaling yumaman ano ang gusto niyang palitan na  parte ng mukha niya.
 o sa katawan. Heto ang sagot niya," wala po akong papalitan ni kahit katiting sa aking katawan, dahil ang  panglabas na kaanyuhan ay  nagmamaliw, samantalang ang ganda ng kalooban ay hindi.' Ayon pa sa kanya, ang mata daw ang bintana ng ating mga kaluluwa kung saan masisinag mo ang katapatan ng isang nilalang. Tapos nagmamadali siyang aalis. Sige, Kuya, bibili pa ako ng makeup. Nyeh.

*****WAKAS******* 


<center style="line-height:0;"><embed src="http://www.singingbox.com/singingbox.swf?user34=b,g,vvb,g,vv"  quality="high" width="200" height="240" name="sbox" type="application/x-shockwave-flash" pluginspage="http://www.macromedia.com/go/getflashplayer"></embed><br>
<a href="http://www.singingbox.org/" target="_blank" style="line-height:20px;">
<img src="http://www.singingbox.com/i/FFFFFF/4D4D4D.gif" border="0" />
</a></center>
(Note: the drawing in this page is not  owned by the author.)

Saturday, October 27, 2012

Broken Skies

Disyembre na naman. Tulad ng dati, may lamlam ang pagtingin ko sa okasyong ito. Hindi kayang punan ng lamig ng gabi ang kirot sa puso kong sugatan. Madalas nakatingin ako sa karimlan ng gabi, pilit inaapuhap ang sagitsig ng bulalakaw sa himpapawid. Kahit papaano, umaasa ako na malalampasan ko din ang mga alalahaning pilit nagpapasikip ng aking dibdib.


I saw an old friend of our todayShe asked about you and I didn't quite know what to sayHeard you've been makin' the rounds round hereWhile I've been tryin' to make the tears disappear

Bakit naman kasi pumailanlang pa ang awiting yun ng makita ko ang isang malapit na kaibigan. Kumusta na kayo? Mainit ang pagkikitang iyon pero pinalamig ng katanungan ni Bessy. Sa lahat ng mg tanong  ito ang mahirap sagutin.  Hindi kayang itago ng   ano mang ngiti o pagkukunwari .Okey na naman. Okey ba talaga? Umiwas ako. Ano pasalubong mo sa akin, friend, tanong ko? Galing sa Japan si Bessy. Madami friend. Salamat,   nailigaw ko sumandali ang tanong niya. Pumunta kami sa isang Coffee Shop. Siguro kailangan ko ng mainit na kape para masabi sa kaibigan ko ang lahat.

Ano ba talaga ang nangyari? Hindi na ako makaiwas. Una idinaan ko sa biro ang mga sagot ko. Akala ko Bes, I will be laid down in a bed of roses. Yun pala bed of thorns. Tawanan. Hayaan mo siya friend darating din ang araw, maaayos din ang lahat. Sana nga ganoon kadali ayusin ang lahat. Para bang computer na pwede namang palagyan ng anti-virus or ireformat. Pero hindi, ang mga relasyon, kapag nasira, mabuo man may lamat pa rin. 



Now I'm almost over youI've almost shook these bluesSo when you come back around.After painting the town you'll see That I'm almost over you


Naghiwalay kami ng kaibigan ko medyo maluwag na ang kalooban ko.Siguro dahil, may napagsabihan na ako ng mga hinanakit, mga bottled-up emotions na nakakulong sa puso ko. Masarap ngang umibig, pero hindi naman ganoon ang reyalidad ng buhay. Hindi lahat ng love story ang ending ay "and they lived happily ever after." Siguro nga nabulagan lang ako ng makita ang isang pag-ibig na akala ko, yun na ang una at huli.Ngunit hindi naman pala ganoon kadali. Sa totoong relasyon pala, may mga hindi pagkakaunawaan, maraming mga  gusto pero hindi pwede. Maraming hinahangad  pero hindi mapunan. Maraming tanong, pero  walang kasagutan. 

You're such a sly one with your cold, cold heartFor you leavin' come easy but it tore me apartTime heals all wounds they say and I should know'Cause it seems like forever but I'm lettin' you go

Pinilit kong pulutin ang pirapirasong pangarap na nasira dahil sa isang maling pag-big. Kahit paano, may mga aral na man akong napulot. Minsan ang taong akala natin mag-aalaga, magmamahal, ay siya palang unang didilig ng lason upang mamatay ang pag-ibig na umuusbong. 


Now I'm almost over youI've almost shook these bluesSo when you come back around. After painting the town you'll see That I'm almost over you

Hi. Pinilit kung apuhapin kung sino ang nag-hi. Do you know me? High school friend. Parang ayaw kung maniwala. First Crush. Hindi naman. Can I offer you a cup of coffee? Okey lang. Parang may kumislot at tumibok. Not at this time. Ayoko muna. Just mending a broken heart. Ang pag-ibig daw dumarating when we least expect it. Maaring sa maling pagkakataon pero sa tamang tao. O sa tamang tao pero mali naman ang pagkakataon. Ang mahalaga, naranasan nating umibig, magmahal at maloko. Ang masaya dun, hindi tayo itanali ng maling pag-ibig sa maling pagkakataon. Ang mahalaga, natuto tayong tumayo at muling mangarap magmahal.


I can forgive you and soon I'll forget all my shattered dreamsYou took the love that you wanted and left me the misery


Duguan man ang puso ko at lugmok sa kasiphayuang idinulot ng maling pag-ibig.Muli babangon ako. Dahil alam ko, ang sakit na dulot ng maling pag-ibig ay gagaling din. Dahil ang puso natuturuan ding magmahal muli. Dahil ang nakaraan ay para lamang mga sagitsit ng bulalakaw sa hatinggabi. Sa una'y maliwanag ngunit unti-unti nawawala at kinakain ng dilim . Dahil sa bawat unos na dumaan, may umaga pa rin na darating na mas maliwanag at mas malinaw. Bukas magliliwanag na ang mga ulap. Tomorrow, there will be no broken skies. 

Now I'm almost over youI've almost shook these bluesSo when you come back aroundAfter painting the town you'll see That I'm almost over you


*Wakas1*


Thursday, October 18, 2012

A Love Story Made In Heaven


 (http://www.guardian.co.uk/culture/gallery/2011/feb/13/ten-best-love-stories-in-pictures#/?picture=371617689&index=6)

Heto na naman. Habang pumapailanlang ang kantang “It takes too, long” to learn to live alone, biglang naging emo mode ako. Nag-iisa ko sa apat na sulok ng aking paraiso, kung paraisong ngang matatawag ang aking kuarto. Dito sa apat na sulok  ng kuadradong pook nakakahugot ako ng mga bagong ideya sa pagsusulat.  Ayon nga naging  titulo tuloy a love story made in heaven.
Ang pag-ibig ba sa langit pa nagmula, o ginawa mula sa langit?  May kasabihan na ang  makakasama daw natin habang buhay ay nakatakda. Kung baga,  ang bawat isa pala ay may kapartner na sa libro ng nasa itaas. Kung baga, kahit ano ang gawin natin, matatagpuan natin ang taong makakasama natin  na tatahak sa masalimuot, mabako, mahabang daan ng buhay.
Heto ang isang madamdaming sinulat ng isang pusong umiibig : “Two souls with but a single thought, two hearts that beat as one - Love is not by our choice, but by our fate.”
Ang tunay na pag-ibig daw ay dumarating ng hindi inaasahan. Dumarating sa tamang panahon, sa tamang pagkakataon, at sa tamang tao (Basta ba walang tama sa isip yun makakapartner mo!!).  Sa mga panahong dumarating ang mga unos ng buhay, mayroong isang tao na sasagip sa atin ng hindi natin inaasahan. Ang taong iyon ang siyang magpapalaya sa atin sa tanikala ng isang madilim na kahapon.
"In a world that's full of suffering, he/she's the breath of air, and a sign that life's still fair."
Written in the stars, Yes it was plain to see yes it was meant to be, yes this is "Destiny". True love is destined. True love is a gift, because true love is a love "Made in Heaven". (
http://forum.smallworlds.com/showthread.php?t=109870).
Alam ko sa mga pusong bata pa sa pagmamahal, maraming kahulugan ang pag-ibig. Pero tama nga na dapat hindi mo yun hanapin, dahil kusa siyang darating. Tulad ng isang mag-nanakaw sa gabi, hindi mo inaasahan. Eh paano naman kung tumatanda ka na at kahit isang galong Vaseline cream na ang ginagamit mo ay patuloy pa rin ng pangungulubot ng iyong balat? Maghihintay ka pa rin ba, o magdarasal sa Diyos na kahit sinong unang dumating, siya na yun. Hindi bale na lang na hindi kagandahan, at may kaliskis ang balat, pwede na rin. Sabi nga ng kaibigan kong babae,  noong edad bente daw siya, marami siyang qualifications: guapo, makisig, may kotse, may hanapbuhay.  Noong  trenta na siya kahit makisig  at may hanapbuhay na lang. Noong mag 40 na siya, basta lalaki lang kahit siya na ang bumuhay, basta may makasama lang. Sabi nga niya, kapag may ikinakasal daw hindi niya tinatapos. Sa kalagitnaan daw ng kasal umuuwi na siya at humaharap sa salamin. Ang tanong niya sa mahiwagang salamin, bakit daw ang lahat ng kaibigan niya ikinasal na, siya na lang ang hindi? Hanggang ngayon, umaasa pa rin siya na  nakatapak ang paa sa lupa at nakatingala sa langit: Oh God please give me a lover.
Ang kabiguan daw ay parang mga bagyo sa tag-init.  Ang lahat daw ay  nagiging maganda kapag lumipas na.  Sa ganang akin, ang pag-ibig ay hindi naman gawa mula sa langit, ito ay kusang bumubukal, umuusbong, yumayabong at namumunga mula sa puso natin. Ang mahalaga, kapag umibig tayo,  natututo tayong magbigay   ng ating sarili, at kinakalimutan natin ang pagigin makasarili.  Sapagkat ang tunay na pagmamahal ay mapagbigay at maalalahanin, mapang-unawa at hindi mapang-husga. Ang tunay na pag-ibig ay hindi ipinipilit kung hindi kusang ibinibigay. Ang tunay na pag-ibig ay hindi naghahangad kung hindi naghahanap kung paano mo mapapaligaya ang iyong minamahal. 

Tuesday, October 16, 2012

Si Yuki, No Permanent Address



Pinambayad po ako sa Taxi ng Nanay ko. “ Napatingin ako sumandali sa TV show ni Willy Revillame sa TV 5. Napatitig ako sa isang contestant na babae, hindi dahil sa marami siyang tattoo sa katawan kung hindi sa lalim ng kanyang pangungulila sa kanyang ina. Ayon sa kanya, pitong taon siya noon iwan siya ng kanyang inang Japayuki para ipambayad sa Taxi. Marami pang mga dayalogo mula sa host at sa contestant, pero naantig ang mga manunuod ng umawit na si Yuki. Dama sa awit niya ang pangungulila sa isang ina.  Dahil siguro naantig din si Willy, binigyan nya ng kabuyahan ang ama-amahang kumukop sa contestant. Isang primera klaseng kotse ang ibinigay ni Mr. Revillame, para ipang hanap-buhay ng nasabing  ama.
Akala ko sa mga melodrama lang at telenovela  napapanuod ang ganitong eksena. Pero narito at buhay na patotoo  si Yuki.  Isa isang biktima ng sirkumstanya na hindi niya ginusto. Hindi bale na lumaki siya sa hirap, nagpakatulong,  at lumayas upang buhayin ang kaniyang sarili. Ayon sa kanya, disisais anyos siya ng lumayas sa mga kumukop sa kanya. Naalala   ko tuloy ang isang kwento tungkol sa mga batang iniwan ng kanilang mga magulang sa Japan.

Ayon sa aking  pagsasaliksik, ang pangingibang bayan ng mga  Filipina Entertainers sa Japan noong dekada sitenta  (1970) ay nakapagprodyus ng  humigit kumulang na 200, 000 Japanese- Filipino Children (JFC). Marami sa kanila ang iniwan o inabandona na ng kanilang mga ama at hindi na nakatatanggap ng ano mang suporta sa kanilang  amang Hapon. Kung hindi naging matagumpay ang pagsasama ng isang Pinay at Hapon, maraming mga kababayan ang umuuwi sa Pilipinas kasama ang kanilang mga anak ( http://globalnation.inquirer.net/news/breakingnews/view/20090910-224545/Japanese-Filipino-children-long-for-fathers).
 Si Shiro Ito, isang  tagasaliksik na Hapon mula sa Unibersidad ng Pilipinas  ang kumalap ng mga datos tungkol sa mga Japanese Filipino Children. Ayon sa kanya , ang humigit kumulang sa sampung libong kabataang Japanese –Filipino ay inabandona  ng  kanilang mga ama. Hindi sila mga produkto ng mga nakaw na sandali o one night stand, bagkus ay  ipinanganak pagkatapos ng ilang taong pagsasama. Marami sa mga nakarelasyon ng Filipina ang biglang nawawala pagkatapos malamang nagdadalang-tao na ang kanilang kasintahan. Marami sa mga Hapon na naging karelasyon ng mga Filipina ang  tumakbo at hindi na nagpapakita upang makatakas sa kanilang responsibilidad.

Habang umaawit  si Yuki, marami sa manonood ang tumutulo ang luha. Naramdaman nila ang lalim ng kanyang hinanakit, ang maraming taong naghahanap siya nang kalinga ng isang Ina. Hindi natin alam kung ano ba talaga ang dahilan kung bakit iniwan si Yuki ng kanyang tunay na ina. Ang katotohanan ay nakatitig sa atin, masarap mabuhay kapiling ang ating Ina.

References

Ito, Shiro (2011). Brief Research Note: Some Issues on Japanese-Filipino ChildrenPh.D. Student,Department of Sociology, College of Social Sciences and PhilosophyUniversity of the Philippines, Diliman, Philippines.E-mail: shiro.ito@up.edu.
http://globalnation.inquirer.net/news/breakingnews/view/20090910-224545/Japanese-Filipino-children-long-for-fathers


Monday, October 8, 2012

Munting Hiling

"Sana, magkasama-sama uli kami. " May kurot sa puso ang sagot ni Bella  nang tanungin ko kung ano hiniling niya kay God minsang nagpunta kami sa Manaoag. May hawak siyang maliit na papel. Naka-drowing duon ang isang pamilyang masaya. May maliliit pang puso sa paligid . Simbulo marahil ng  labis niyang pagmamahal sa kanyang Mama at Papa. Sino naman ito, sabi, ko sabay turo sa isang maliit na tuta sa drowing. Gusto kong iligaw ang mga  alalahaning nagpapabigat sa kanyang damdamin, ngunit ako man ay kinagat ng katotohanang malayong mangyari  ang kanyang hinihiling.. Kung pwede nga lang, ako na lang ang tumupad ng kanyang hiling. Ngunit alam ko, hindi saklaw ng kapangyarihan ko ang gumawa ng ganoong magic.

Ewan ko ba? Nasasaktan ako kapag nakita ko siyang malungkot.  Hindi kaya ng puso ko makita ko na wala siyang sigla. Tumalikod ako sa kanya, at palihim na pinahid ang aking luha. Hayaan mo na, sabi ko, andito naman ako. Lagi kitang babantayan. Pero alam ko hindi kayang punan  ng pangungulila niya sa isang Ama o sa isang Ina. Nandiyan lang naman sila, pero bakit, kayhirap nilang abutin. Sa musmos na puso ng isang bata, alam niya kung ano ang kulang. Alam niya kung ano ang magpapasaya sa kanya.

Ang masakit doon, iniwan ko din siya. Nagpunta ako ng ibang bansa para humanap ng mas magandang oportunidad. Nang huling mag-usap kami masaya na siya. Siguro, lumipas na rin ang mga emosyong nagpapabigat sa kanyang puso. Alam mo Papu, nasa honor roll ako sabi niya. Very Good, pakli ko.Kumusta ka na?, tanong ko. Ok na ako. Marunong na akong mag-piano. At lagi akong sumasali sa poster making contest. Kumusta naman ang aso mong si Kenjie, tanong ko. Biglang naramdaman ko ang ibang sigla niya. Ayun, malaki na siya. Lagi nga naming dinadala sa Vetenerarian, eh. Para lagi siyang malusog. Hayaan mo pag-uwi ko, kakaibiganin ko din yang aso mo, sabi ko. Natawa siya.

Simula noon pag-nagkausap kami, lagi ang topic eh yung aso niya. Bigla kong naisip ang drowing na nakita ko noong pumunta kami sa Manaoag. Meron doong  isang maliit na tuta sa tabi niya. Noon ko napagtanto na ang munting aso ang pupuno sa kakulangan sa buhay niya. Doon niya nakita na ang isang aso, kahit na hindi nagsasalita, tumatawa  o umiiyak, ay maaring maging kaibigan habang buhay. Kung ang tao, pwede kang iwan na parang isang manikang basahan, ang aso hindi. Mananatili siyang matapat sa iyo. Hindi nga ba kailan lang, napabalita ang kabayanihan ng isang asong si "Kabang" na naglitas sa buhay ng kanyang amo. Napingas ang kanyang nguso, at ngayon ay tinanghal siyang bayani sa kanilang bayan.

Papu, pwede ba akong humiling sa iyo pag-uwi mo?, tanong ni  Bella. Biglang kinabahan ako. Muling nabuhay ang mga alalahanin sa puso ko. Baka hindi ko kayang ibigay. Ano ba kasi yun, tanong ko?
Eh pwede ba bilhan mo pa ako ng isa pang aso. Yung Shitzu. Gusto ko kasi yun maliit lang. Lumuwag ang dibdib ko. Oo naman. Masaya na si Bella.http://www.saranggolablogawards.comMunting Hiling




Wednesday, October 3, 2012

FADED PHOTOGRAPHS A Pinoy Blogger



Faded Photographs. Tinitigan kong mabuti ang mga larawang kupas. Dekada Sitenta.  Hindi pumasok sa isip ko  ang batas militar. During that time, there were bloody riots in the streets of Mendiola, and the slogan kept resounding:  “Makibaka, huwag matakot.” Basta ang pumasok sa isip ko: High school days. Nakikipag-agawan ang mga eksenang high school na hindi malimutan. Sa isang sulok ng isip ko, nanduon ang excitement, ang pagkamulat, ang mga pira-pirasong pangarap na gustong abutin. Naalala ko pa ang second hand CAT uniform na pinamana ni Kuya. Wala sa akin yun, basta ang mahalaga makatapos ng pag-aaral. Noon, malayo na ang tanaw ko sa kinabukasan.


Patpatin ako noong high school. Marami akong insecurities dahil payat na payat ako. Sabi nga nila, isang bulate nalang ang pipirma at matitigok na. Syempre kinikimkim ko lang ang mga panunukso, panunuya, pambubuska. Basta ang mahalaga, makatapos ako ng pag-aaral. Siguro kung ngayon nagyari yun. pwede ko silang ihabla ng “ bullying”. Pero mag-kaiba nga panahon  noon sa ngayon.  Matalino daw ako sabi nila. Siguro nga, ngunit hindi naman ako nag-valedictorian. Marahil dahil kulang ako sa mga gamit na aklat. Kailangan kasing mabasa namin nang buo ang “Noli Me Tangere.” Nung nasa college lang ako at saka ko nalaman na may nawawalang kabanata pala sa libro ng pambansang bayani. Gayun pa man ay alam na alam ko naman ang mga katangian ng mga Padre Damaso, Pilosopo Tasyo, Maria Clara, Ibarra at Salome. Ang tanda ko lang, mayroon doong kabanatang pinamagatang “Pag-uulayaw sa Azotea.”


(Circa 70, Courtesy of Rosario Santos)
Hindi ako lumaki sa karangyaan. Kasi nuong high school  naman simple lang ang buhay. Nakauniporme kaming pumasok, puti ang polo at khaki ang pantalon. Sa hapon, bago umuwi, kailangang magdasal muna ng “Angelus”. Dapat bawat isa kabisado ang dasal. Ang magandang parte ng high school ay ang JS prom. Uso pa nuon ang bell bottom blues. Ang kwelyo  ng long-sleeves na nik-nik ay malapad at ang pantalon, hayup sa porma, twelve inches ang luwang. Uso din ang  “Clogs”. “ Le Conte” pa noon ang pomada. At ang hati ng buhok ay halos tuwid, kasing tuwid ng kalye Zamora. Tapos ay papailanlang  ang pambansang awit ng mga  kabataan: “Skyline Pigeon” ni Elton John. Sasayaw kami habang panay ang nguya ng “bazooka  bubble gum”. May konting hiya, may konting kapilyuhan. At that time, ang pangarap ko ay hindi lang bubble gum. Malayo pa rin ang tanaw ko sa kinabukasan. Lumuwas  ako ng siyudad habang  naglalayag ang boses ni Rupert Holmes sa kanyang madamdaming awiting “Terminal.”


Sa Kolehiyo, Liberal Arts ang unang kursong pinasok ko. Hindi dahil iyon ang gusto ko. Yuon ang gusto ni Tatay. Pangarap daw niya  kasing maging isang magaling na abogado. Dahil iyon ang gusto niya, ipinilit niya sa akin. Sa amin kasi, military rule. “Obey first before complaining.” Second sem, nag-iba na ako ng kurso. Doon ko nakita kung paano magalit si Tatay. Gusto niya akong saktan, pagbuhatan ng kamay, paluhurin sa munggo at ibitin ng patiwarik. Suwail daw ako. Dahil bata pa ako, payat at walang kaya, hindi ko kayang ipagtanggol ang aking sarili. Buti na lang maagap si Nanay.  Ang sabi lang niya, hayaan mo siya kung ano ang gusto niya. Napayapa ang loob ni  Tatay. Matagal kaming hindi nagkibuan. Dama ko ang damdamin ng isang Ama na nangarap at nabigo. Pero ano  ang magagawa ko, iba ang takbo ng isip ko?  . At iba ang landas na gusto kong tahakin. Para sa akin, kung saan ka masaya doon ka.






Colorful memories of college days. Nagsimula akong bumuo ng pangarap ko. Kung ano ang gusto kong marating, yun ang aking susundin.Komersyo ang kinuha kong kurso. Gusto kong yumaman. Ngunit hindi naman yata sining ng pangangalakal ang napuntahan ko.  Sa Dalubhasaan ng Imakulada  Konsepsyon, doon nagsumikap akong maging isang manunulat. Hindi pa sanay ang isip ko, ngunit sa puso ko, alam ko isang dangkal lang ang tagumpay mula sa lupang kinatatuyuan ko. Nakatapos  at kahit  sabihing maliit lang ako, higanteng pangarap para sa akin ang nakamit ko. Graduation day. Kasama ko si Nanay para tanggapin ang dalawang “award” sa panulat. Sa sulok ng mata ko, hinanap ko si Tatay. Darating ba siya, tanong ko kay Nanay?  Hindi siya umimik. “Hindi ko alam,” kagyat niyang sabi.May lungkot sa mata ni Nanay.  Kahit hindi niya sabihin, alam ko ang nilalaman ng kanyang puso. Ang nanay kasi, malalim ang pagtingin sa anak. Tinawag ang pangalan  ko para tanggapin ang dalawang karangalang banggit. Masaya ako. Sa sulok ng mga mata ko, hinahanap ko si Tatay.  Pababa ako ng stage, nakayuko, nang  biglang may nagsabi, “ Congratulations”. Sinipat ko, inaninaw at hinananap sa likod ng aking isip kung sino yun. Pamilyar ang boses. May naramdaman akong bikig  sa lalamunan. Wala akong masabi pero parang tumigil ang mundo ko sa pag-ikot. Maiinit ang kamay niya sa akin. Kasing-init ng luhang bumalong sa aking mga mata. Salamat , Tatay.

Marami ng nangyari pagkatapos noon. Napasok ako sa isang malaking bangko. Kahit papaano, naitaas ko ang antas  aming kabuhayan. Ngunit pag-karaan lang ng dalawang taon simula ng makatapos ako ng kolehiyo, pumanaw si Tatay. Umiyak ako. Ang sabi ko kung kaylan tayo nagkalapit, at saka naman tayo nagkalayo.   Mas lalo akong naiyak ng makita ko na tinipon niya sa isang maleta ang lahat lahat ng isinulat ko. Dahil diyan, hindi pa rin ako tumigil sa aking pangarap.








Uso na ngayon ang digicams. Lipas na sa uso ang black and white pictures. Ang nasa itaas ay larawang  kupas na nagpabalik sa  aking  ala-ala na  ipinost ng isang kaklase sa Facebook. Dahil sa Facebook, maraming magkakahiwalay ang nagkakalapit. Dahil sa mga social networking sites, may mga relasyong umusbong, namunga at yumabong. Imagine, halos iba na ang mga hitsura ng mga dating kakaklase, kaibigan, kapatid, kapuso at kainuman. Sa paglipas ng panahon, maraming pagbabago ang nagaganap. Sabi nga ni Karl Marx, ang lahat ay tungo sa pagbabago. Kung binago man ng teknolohiya ang buhay natin at kapaligiran, nanatili ang marubdob na hangaring mapag-isa tayo ng kumonikasyon. Dahil batid natin, na sa bawat puso ng isang Filipino, kaya nating tumayo, maglakbay, umalpas sa kalagayang hindi natin ginusto. Dahil sa isang maliit na hakbang, nagsisimula ang isang higanteng pangarap. Sa isang maliit na hakbang, nagsisimula tayong kumapit ng mahigpit sa salbabida ng buhay. Sa isang maliit na hakbang, natututo tayong maging matatag habang tinatahak natin ang masalimuot na takbo ng buhay.Faded Photographshttps://www.pinoyblogawards.com.https://www.pinoyblogawards.com.

Tuesday, September 25, 2012

PWEDE BA?

Nasaan ka?
Hinanap kita sa masalimuot  na panaginip
Hindi ka man lamang nagpakita,
Inaasam kita sa daloy ng tinta
para kahit man lang sa mga kwento ko'y
makapiling ka,
Muli hindi ka rin nagpakita
Lubha siguro mailap sa atin ang mga sandali
Para pagsugpungin   natin ang mga
nakatagong init na dala ng pag-ibig.

Nasaan ka?
Hanggang ngayon gusto kong abutin
Ang mga ala-alang nawaglit
Na ibinulong ng hangin
Ngunit hindi ko lang napansin
Sana nga ngayong gabi
Makapiling kita sa aking panaginip
At sa magdamag ay kasama ka
sa pagtatampisaw sa gilid ng batis!

(Paunawa: Hindi po inaangkin ng may Akda ang mga larawang nakapost sa blog na ito)
Salamat sa pang-unawa.)

Thursday, September 20, 2012


Isang kwento ng Pakikibaka
Ni Reynaldyq


Parang hindi na sanay ang aking mga kamay na sumulat ng sanaysay-ng mga pakikibaka sa buhay, ng mga samut-saring alalahaning gumugulo sa isipan, mga buhol-buhol na buntonghininga’t hinagpis ng mga nagdaang araw. Pero ayos lang. Basta nabanggit ang LICAB, parang ipu-ipong bumabalik ang kahapon. May saya’t lungkot, may kirot sa dibdib, may pitik ng pag-asa, at may haplos ng pagmamahal.

Kinse anyos ako ng iwan ang bayang Licab. Para sa akin, parang walang anuman. Ano ba naman kasi ang maipagmamalaki ko sa bayang kinagisnan? Maputik kapag tag-ulan, may libreng pulbos kapag tag-araw. Uso pa noon ang kareta, karitela, at kalabaw. Mabagal ang pag-usad ng pag-unlad.
Para sa akin, mas masaya sa siyudad. Maraming tricycle, maraming mapupuntahan.
Kaya madalas, sermon ang inaabot ko kay tatay. Bakit daw napakadalang kong umuwi ng Licab. Ayaw kong sumagot dahil bawal sumagot sa ama. Hindi tamang isaboses ang nararamdaman, lalo pa’t alam kong may masasaktan.
Pero sa loob-loob ko, wala naman akong mapapala kapag madalas akong umuwi. Baku-bako ang daan, mahaba ang biyahe at maalikabok –kaya nga dapat ang pangalan ng bayan natin-LIKABOK. Haaaay.
Isa pa, kapag tag-araw, malayo ang lalakarin mo para umigib ng tubig. Natutuyuan kasi ang mga poso ng tubig. Ang nangyayari, pupunta kayo sa patubig para mag-igib, dala-dala ang mga balde, timba, galon ng mantika at kahit ano pang sisidlan. Haaay na naman.
Gayunpaman, may gintong aral din naman akong natutuhan sa pamamalagi ko sa Licab. Malapit kami sa Diyos, malapit sa simbahan. Naalala ko pa si Ate Dahlia Ventura- siya ang nagturo sa amin na laging magpunta sa Simbahan. May choir noon na binubuo ng kabataan. Matiyaga niya kaming ginagabayan at sinusubaybayan. Usong-uso noon ang Christmas tableau at mga palabas tuwing mahal na araw.
Ngayon, malayo na ang daang aking tinahak. Malayo na rin ang narating ng ating mga kababayan.
Iba na rin ang tanawin sa Licab. Maayos na ang mga kalye, at higit sa lahat may gripo na ang mga bahayan. May daloy na ng tubig sa kabayanan.
Sa pagpasok mo sa Licab, masasamyo mo ang hanging amihan- ang mga butil ng palay na kumakaway, nanghahalina, at nagsasabing- may pag-asa pa. May kinabukasan pa.

Dito sa ibang bansa, lalo mong mami-miss ang manirahan sa Licab. Wala kasi ditong gatas ng kalabaw, inihaw na hito at bulig, bulanglang , bagoong at tuyo. Miss ko na rin ang arroz-de –valenciana ni Nanay.
Sa pag-uwi ko sa Pilipinas, Licab ang una kong pupuntahan.

Tuesday, September 18, 2012



Ako si Rey, Laking Nueva Ecija

Batang Nueva Ecija. Parang may kaakibat na yabang ang taguring yan. Sa ganang akin, may higit na dapat bigyan ng pansin, hindi lamang ang panglabas na anyo, gaya ng isang sanggano  na may tattoo ng agila sa dibdib. Ang batang Nueva Ecija , oo nga at may likas na tapang, na kayang matanggol sa kanyang karangalan, ay hindi palaaway, bagkus marunong rumespeto sa  kapwa, marunong magbanat ng buto, makapamilya, mapagmahal sa Diyos at higit sa lahat, marunong gumalang. Sa Nueva Ecija, ang po at opo ay panghimagas lang sa anumang matatamis na usapan.

Ang Nueva Ecija ang pinakamalaking probinsya sa Central Luzon. Pagtuntong ng buwan ng Setyembre, ang samyo ng hanging amihan ang sasalubong sayo sa mga kanayunan. Masayang pagmasdan ang mga tao sa kanilang  paggapas ng palay. Hindi maikakalang lahat  ay  nakatuon ang layon sa darating na kapaskuhan. Buhay na ang negosyo sa lahat ng bayan. Para sa mga taga-Nueva Ecija, ang mga buwang may huling bigkas ng “Ber” ay nagbabadya na ng mga malakihang piging tulad ng kasalan, binyagan, at reyunyon. At dahil sa likas na mataba ang lupa, ang biyaya ng Maykapal ay inaani ng mga magsasaka ng gulay, bawang, sibuyas  at palay.

Lubhang malaki na ang isinulong ng Nueva Ecija sa pagtatanim ng palay kung kaya’t naturingan itong “Bangan ng Bigas ng Pilipinas”. Nagmumula sa Nueva Ecija ang masasarap na bigas sa buong Pilipinas. Sabi nga nila, bigas palang, ulam na. Dapat ding ipagmalaki ng  Pantabangan Dam, ang isa sa mga inprastruktura na nagbibigay ng patubig sa buong Nueva Ecija. Dahil dito, patuloy ang taniman at anihan ng mga biyaya ng lupa.

Marami ding magagandang  tanawin sa Nueva Ecija. Nariyan an Minalungao  National Park at mga putaputaking  talon sa Carranglan.  Dinarayo din ang Ostrich Farm sa  San Leonardo Nueva Ecija.Maipagmamalaki din ang Science City of Munoz kung saan ang tanyag na Central Luzon State University ay namamayagpag sa kanilang makabago at mahusay na pananaliksik  sa larangan ng Agrikultura. 

Dahil sa kaunlaran, maraming tao na nagbibigay ng sarisaring kuro-kuro tungkol sa Nueva Ecija. Kaakibat sa pagsulong ng teknolohiya at  mga negosyo, ang Lungsod ng Kabanatuan ay naghahangad na maging isang “Highly Urbanized City”. Sa ganitong usapin, may mga ibat-ibang kuro kuro at palapalagay, mga  nagpipingkiang  idealismo na minsan nagiging sanhi  din ng mga sentimyento, tampuhan, tuksuhan at minsan, awayan. Para sa isang mamayang nakiki-usyoso lang,  dapat lang maghintay kung ano man ang itatakbo ng botohan. Ang mahalaga, sa isang demokrasya, marinig ang ang impit na hiyaw ng higit na nakararami.

Ako si Rey, batang Nueva Ecija. Sa ganang akin, ang pinagmulang pook ang siyang humuhubog sa ating pagkatao. Mula nang iwan ko ang pook na ito, at saka ko  naisip ang kagandahang busilak na ipininta ng Maykapal.  Sa malayo, nakahahalinang pagmasdan ang luntiang paligid na animo’y daan patungong paraiso, ang mga kabundukan na nagsisilbing tagapagbantay ng mga burol at kagubatan, habang sa himpapawid ay masayang naglalayag ang mga layang-layang, at sa mga bukirin ay malayang dumadapo ang mga paru-paro’t  bubuyog , sa saliw ng huni ng mga  kuliglig at mga palakang ligaw.

Ang sabi nga, saka mo lamang malalaman  ang halaga ng isang bagay kung ito ay wala na.  Pagyamanin nating ang ipinagmamaliking  ganda ng kalikasan. Mahal ko ang aking bayan. Mahal ko ang Nueva Ecija kung saan ang bigkis ng pagmamahal ay siyang namamayani sa puso ng mga mamayan.
Ang sanaysay na ito ay lahok sa: http://www.saranggolablogawards.com

Thursday, September 13, 2012

Kapit-Kamay


Kapit-Kamay
Hayaan mong dalhin kita
Sa mga batis ng kawalang hanggan
Kung saan masaya tayong maglalakbay
Magtatampisaw tayo sa mga luntiang dahon
Ng mga damong ligaw
Pawiin ang  uhaw  sa  hamog  ng  magdamag
At hayaang maglambing ang mga kuliglig
Sa mga haranang hinabi ng mga luksang pangarap
Hayaan mong  isama kita
Sa aking daigdig na puno ng kulay
Kung saan may galak tayong  maglalakbay
Maglalaro tayo sa mapuputing buhanginan
Kung saan sumumpang magmahal
Sa kabila ng kailanman
Hayaan mong  sundan kita
Sa mga gilid ng burol at mga  kabundukan
Kung saan dumadampi ang init at silab
Ng haring araw       
Hayaan mong alalayan kita
Sa pagakyat sa punong sinegwelas
Kung saan ang  asim at tamis
Ng aking pag-ibig ay iyong makakamtan.