Monday, October 8, 2012

Munting Hiling

"Sana, magkasama-sama uli kami. " May kurot sa puso ang sagot ni Bella  nang tanungin ko kung ano hiniling niya kay God minsang nagpunta kami sa Manaoag. May hawak siyang maliit na papel. Naka-drowing duon ang isang pamilyang masaya. May maliliit pang puso sa paligid . Simbulo marahil ng  labis niyang pagmamahal sa kanyang Mama at Papa. Sino naman ito, sabi, ko sabay turo sa isang maliit na tuta sa drowing. Gusto kong iligaw ang mga  alalahaning nagpapabigat sa kanyang damdamin, ngunit ako man ay kinagat ng katotohanang malayong mangyari  ang kanyang hinihiling.. Kung pwede nga lang, ako na lang ang tumupad ng kanyang hiling. Ngunit alam ko, hindi saklaw ng kapangyarihan ko ang gumawa ng ganoong magic.

Ewan ko ba? Nasasaktan ako kapag nakita ko siyang malungkot.  Hindi kaya ng puso ko makita ko na wala siyang sigla. Tumalikod ako sa kanya, at palihim na pinahid ang aking luha. Hayaan mo na, sabi ko, andito naman ako. Lagi kitang babantayan. Pero alam ko hindi kayang punan  ng pangungulila niya sa isang Ama o sa isang Ina. Nandiyan lang naman sila, pero bakit, kayhirap nilang abutin. Sa musmos na puso ng isang bata, alam niya kung ano ang kulang. Alam niya kung ano ang magpapasaya sa kanya.

Ang masakit doon, iniwan ko din siya. Nagpunta ako ng ibang bansa para humanap ng mas magandang oportunidad. Nang huling mag-usap kami masaya na siya. Siguro, lumipas na rin ang mga emosyong nagpapabigat sa kanyang puso. Alam mo Papu, nasa honor roll ako sabi niya. Very Good, pakli ko.Kumusta ka na?, tanong ko. Ok na ako. Marunong na akong mag-piano. At lagi akong sumasali sa poster making contest. Kumusta naman ang aso mong si Kenjie, tanong ko. Biglang naramdaman ko ang ibang sigla niya. Ayun, malaki na siya. Lagi nga naming dinadala sa Vetenerarian, eh. Para lagi siyang malusog. Hayaan mo pag-uwi ko, kakaibiganin ko din yang aso mo, sabi ko. Natawa siya.

Simula noon pag-nagkausap kami, lagi ang topic eh yung aso niya. Bigla kong naisip ang drowing na nakita ko noong pumunta kami sa Manaoag. Meron doong  isang maliit na tuta sa tabi niya. Noon ko napagtanto na ang munting aso ang pupuno sa kakulangan sa buhay niya. Doon niya nakita na ang isang aso, kahit na hindi nagsasalita, tumatawa  o umiiyak, ay maaring maging kaibigan habang buhay. Kung ang tao, pwede kang iwan na parang isang manikang basahan, ang aso hindi. Mananatili siyang matapat sa iyo. Hindi nga ba kailan lang, napabalita ang kabayanihan ng isang asong si "Kabang" na naglitas sa buhay ng kanyang amo. Napingas ang kanyang nguso, at ngayon ay tinanghal siyang bayani sa kanilang bayan.

Papu, pwede ba akong humiling sa iyo pag-uwi mo?, tanong ni  Bella. Biglang kinabahan ako. Muling nabuhay ang mga alalahanin sa puso ko. Baka hindi ko kayang ibigay. Ano ba kasi yun, tanong ko?
Eh pwede ba bilhan mo pa ako ng isa pang aso. Yung Shitzu. Gusto ko kasi yun maliit lang. Lumuwag ang dibdib ko. Oo naman. Masaya na si Bella.http://www.saranggolablogawards.comMunting Hiling




No comments:

Post a Comment