Ako si Rey, Laking Nueva Ecija
Batang Nueva Ecija. Parang may kaakibat na yabang ang taguring yan. Sa ganang akin, may higit na dapat bigyan ng pansin, hindi lamang ang panglabas na anyo, gaya ng isang sanggano na may tattoo ng agila sa dibdib. Ang batang Nueva Ecija , oo nga at may likas na tapang, na kayang matanggol sa kanyang karangalan, ay hindi palaaway, bagkus marunong rumespeto sa kapwa, marunong magbanat ng buto, makapamilya, mapagmahal sa Diyos at higit sa lahat, marunong gumalang. Sa Nueva Ecija, ang po at opo ay panghimagas lang sa anumang matatamis na usapan.
Ang Nueva Ecija ang pinakamalaking probinsya sa Central Luzon. Pagtuntong ng buwan ng Setyembre, ang samyo ng hanging amihan ang sasalubong sayo sa mga kanayunan. Masayang pagmasdan ang mga tao sa kanilang paggapas ng palay. Hindi maikakalang lahat ay nakatuon ang layon sa darating na kapaskuhan. Buhay na ang negosyo sa lahat ng bayan. Para sa mga taga-Nueva Ecija, ang mga buwang may huling bigkas ng “Ber” ay nagbabadya na ng mga malakihang piging tulad ng kasalan, binyagan, at reyunyon. At dahil sa likas na mataba ang lupa, ang biyaya ng Maykapal ay inaani ng mga magsasaka ng gulay, bawang, sibuyas at palay.
Lubhang malaki na ang isinulong ng Nueva Ecija sa pagtatanim ng palay kung kaya’t naturingan itong “Bangan ng Bigas ng Pilipinas”. Nagmumula sa Nueva Ecija ang masasarap na bigas sa buong Pilipinas. Sabi nga nila, bigas palang, ulam na. Dapat ding ipagmalaki ng Pantabangan Dam, ang isa sa mga inprastruktura na nagbibigay ng patubig sa buong Nueva Ecija. Dahil dito, patuloy ang taniman at anihan ng mga biyaya ng lupa.
Marami ding magagandang tanawin sa Nueva Ecija. Nariyan an Minalungao National Park at mga putaputaking talon sa Carranglan. Dinarayo din ang Ostrich Farm sa San Leonardo Nueva Ecija.Maipagmamalaki din ang Science City of Munoz kung saan ang tanyag na Central Luzon State University ay namamayagpag sa kanilang makabago at mahusay na pananaliksik sa larangan ng Agrikultura.
Dahil sa kaunlaran, maraming tao na nagbibigay ng sarisaring kuro-kuro tungkol sa Nueva Ecija. Kaakibat sa pagsulong ng teknolohiya at mga negosyo, ang Lungsod ng Kabanatuan ay naghahangad na maging isang “Highly Urbanized City”. Sa ganitong usapin, may mga ibat-ibang kuro kuro at palapalagay, mga nagpipingkiang idealismo na minsan nagiging sanhi din ng mga sentimyento, tampuhan, tuksuhan at minsan, awayan. Para sa isang mamayang nakiki-usyoso lang, dapat lang maghintay kung ano man ang itatakbo ng botohan. Ang mahalaga, sa isang demokrasya, marinig ang ang impit na hiyaw ng higit na nakararami.
Ako si Rey, batang Nueva Ecija. Sa ganang akin, ang pinagmulang pook ang siyang humuhubog sa ating pagkatao. Mula nang iwan ko ang pook na ito, at saka ko naisip ang kagandahang busilak na ipininta ng Maykapal. Sa malayo, nakahahalinang pagmasdan ang luntiang paligid na animo’y daan patungong paraiso, ang mga kabundukan na nagsisilbing tagapagbantay ng mga burol at kagubatan, habang sa himpapawid ay masayang naglalayag ang mga layang-layang, at sa mga bukirin ay malayang dumadapo ang mga paru-paro’t bubuyog , sa saliw ng huni ng mga kuliglig at mga palakang ligaw.
Ang sabi nga, saka mo lamang malalaman ang halaga ng isang bagay kung ito ay wala na. Pagyamanin nating ang ipinagmamaliking ganda ng kalikasan. Mahal ko ang aking bayan. Mahal ko ang Nueva Ecija kung saan ang bigkis ng pagmamahal ay siyang namamayani sa puso ng mga mamayan.
Ang sanaysay na ito ay lahok sa: http://www.saranggolablogawards.com
Kahit sa malayo, malapit pa rin ang tanaw.
ReplyDelete