Wednesday, October 3, 2012

FADED PHOTOGRAPHS A Pinoy Blogger



Faded Photographs. Tinitigan kong mabuti ang mga larawang kupas. Dekada Sitenta.  Hindi pumasok sa isip ko  ang batas militar. During that time, there were bloody riots in the streets of Mendiola, and the slogan kept resounding:  “Makibaka, huwag matakot.” Basta ang pumasok sa isip ko: High school days. Nakikipag-agawan ang mga eksenang high school na hindi malimutan. Sa isang sulok ng isip ko, nanduon ang excitement, ang pagkamulat, ang mga pira-pirasong pangarap na gustong abutin. Naalala ko pa ang second hand CAT uniform na pinamana ni Kuya. Wala sa akin yun, basta ang mahalaga makatapos ng pag-aaral. Noon, malayo na ang tanaw ko sa kinabukasan.


Patpatin ako noong high school. Marami akong insecurities dahil payat na payat ako. Sabi nga nila, isang bulate nalang ang pipirma at matitigok na. Syempre kinikimkim ko lang ang mga panunukso, panunuya, pambubuska. Basta ang mahalaga, makatapos ako ng pag-aaral. Siguro kung ngayon nagyari yun. pwede ko silang ihabla ng “ bullying”. Pero mag-kaiba nga panahon  noon sa ngayon.  Matalino daw ako sabi nila. Siguro nga, ngunit hindi naman ako nag-valedictorian. Marahil dahil kulang ako sa mga gamit na aklat. Kailangan kasing mabasa namin nang buo ang “Noli Me Tangere.” Nung nasa college lang ako at saka ko nalaman na may nawawalang kabanata pala sa libro ng pambansang bayani. Gayun pa man ay alam na alam ko naman ang mga katangian ng mga Padre Damaso, Pilosopo Tasyo, Maria Clara, Ibarra at Salome. Ang tanda ko lang, mayroon doong kabanatang pinamagatang “Pag-uulayaw sa Azotea.”


(Circa 70, Courtesy of Rosario Santos)
Hindi ako lumaki sa karangyaan. Kasi nuong high school  naman simple lang ang buhay. Nakauniporme kaming pumasok, puti ang polo at khaki ang pantalon. Sa hapon, bago umuwi, kailangang magdasal muna ng “Angelus”. Dapat bawat isa kabisado ang dasal. Ang magandang parte ng high school ay ang JS prom. Uso pa nuon ang bell bottom blues. Ang kwelyo  ng long-sleeves na nik-nik ay malapad at ang pantalon, hayup sa porma, twelve inches ang luwang. Uso din ang  “Clogs”. “ Le Conte” pa noon ang pomada. At ang hati ng buhok ay halos tuwid, kasing tuwid ng kalye Zamora. Tapos ay papailanlang  ang pambansang awit ng mga  kabataan: “Skyline Pigeon” ni Elton John. Sasayaw kami habang panay ang nguya ng “bazooka  bubble gum”. May konting hiya, may konting kapilyuhan. At that time, ang pangarap ko ay hindi lang bubble gum. Malayo pa rin ang tanaw ko sa kinabukasan. Lumuwas  ako ng siyudad habang  naglalayag ang boses ni Rupert Holmes sa kanyang madamdaming awiting “Terminal.”


Sa Kolehiyo, Liberal Arts ang unang kursong pinasok ko. Hindi dahil iyon ang gusto ko. Yuon ang gusto ni Tatay. Pangarap daw niya  kasing maging isang magaling na abogado. Dahil iyon ang gusto niya, ipinilit niya sa akin. Sa amin kasi, military rule. “Obey first before complaining.” Second sem, nag-iba na ako ng kurso. Doon ko nakita kung paano magalit si Tatay. Gusto niya akong saktan, pagbuhatan ng kamay, paluhurin sa munggo at ibitin ng patiwarik. Suwail daw ako. Dahil bata pa ako, payat at walang kaya, hindi ko kayang ipagtanggol ang aking sarili. Buti na lang maagap si Nanay.  Ang sabi lang niya, hayaan mo siya kung ano ang gusto niya. Napayapa ang loob ni  Tatay. Matagal kaming hindi nagkibuan. Dama ko ang damdamin ng isang Ama na nangarap at nabigo. Pero ano  ang magagawa ko, iba ang takbo ng isip ko?  . At iba ang landas na gusto kong tahakin. Para sa akin, kung saan ka masaya doon ka.






Colorful memories of college days. Nagsimula akong bumuo ng pangarap ko. Kung ano ang gusto kong marating, yun ang aking susundin.Komersyo ang kinuha kong kurso. Gusto kong yumaman. Ngunit hindi naman yata sining ng pangangalakal ang napuntahan ko.  Sa Dalubhasaan ng Imakulada  Konsepsyon, doon nagsumikap akong maging isang manunulat. Hindi pa sanay ang isip ko, ngunit sa puso ko, alam ko isang dangkal lang ang tagumpay mula sa lupang kinatatuyuan ko. Nakatapos  at kahit  sabihing maliit lang ako, higanteng pangarap para sa akin ang nakamit ko. Graduation day. Kasama ko si Nanay para tanggapin ang dalawang “award” sa panulat. Sa sulok ng mata ko, hinanap ko si Tatay. Darating ba siya, tanong ko kay Nanay?  Hindi siya umimik. “Hindi ko alam,” kagyat niyang sabi.May lungkot sa mata ni Nanay.  Kahit hindi niya sabihin, alam ko ang nilalaman ng kanyang puso. Ang nanay kasi, malalim ang pagtingin sa anak. Tinawag ang pangalan  ko para tanggapin ang dalawang karangalang banggit. Masaya ako. Sa sulok ng mga mata ko, hinahanap ko si Tatay.  Pababa ako ng stage, nakayuko, nang  biglang may nagsabi, “ Congratulations”. Sinipat ko, inaninaw at hinananap sa likod ng aking isip kung sino yun. Pamilyar ang boses. May naramdaman akong bikig  sa lalamunan. Wala akong masabi pero parang tumigil ang mundo ko sa pag-ikot. Maiinit ang kamay niya sa akin. Kasing-init ng luhang bumalong sa aking mga mata. Salamat , Tatay.

Marami ng nangyari pagkatapos noon. Napasok ako sa isang malaking bangko. Kahit papaano, naitaas ko ang antas  aming kabuhayan. Ngunit pag-karaan lang ng dalawang taon simula ng makatapos ako ng kolehiyo, pumanaw si Tatay. Umiyak ako. Ang sabi ko kung kaylan tayo nagkalapit, at saka naman tayo nagkalayo.   Mas lalo akong naiyak ng makita ko na tinipon niya sa isang maleta ang lahat lahat ng isinulat ko. Dahil diyan, hindi pa rin ako tumigil sa aking pangarap.








Uso na ngayon ang digicams. Lipas na sa uso ang black and white pictures. Ang nasa itaas ay larawang  kupas na nagpabalik sa  aking  ala-ala na  ipinost ng isang kaklase sa Facebook. Dahil sa Facebook, maraming magkakahiwalay ang nagkakalapit. Dahil sa mga social networking sites, may mga relasyong umusbong, namunga at yumabong. Imagine, halos iba na ang mga hitsura ng mga dating kakaklase, kaibigan, kapatid, kapuso at kainuman. Sa paglipas ng panahon, maraming pagbabago ang nagaganap. Sabi nga ni Karl Marx, ang lahat ay tungo sa pagbabago. Kung binago man ng teknolohiya ang buhay natin at kapaligiran, nanatili ang marubdob na hangaring mapag-isa tayo ng kumonikasyon. Dahil batid natin, na sa bawat puso ng isang Filipino, kaya nating tumayo, maglakbay, umalpas sa kalagayang hindi natin ginusto. Dahil sa isang maliit na hakbang, nagsisimula ang isang higanteng pangarap. Sa isang maliit na hakbang, nagsisimula tayong kumapit ng mahigpit sa salbabida ng buhay. Sa isang maliit na hakbang, natututo tayong maging matatag habang tinatahak natin ang masalimuot na takbo ng buhay.Faded Photographshttps://www.pinoyblogawards.com.https://www.pinoyblogawards.com.

6 comments:

  1. Saludo ako sa yo good luck sir!

    ReplyDelete
  2. May sentimental value. Nice.

    Good luck sa atin rey!

    ReplyDelete
  3. May bago akong natutunan lalo na sa kung ano ang uso noon..
    Good luck po sa entry nyo Sir!

    ReplyDelete
  4. Thank you Kwentuhero. Sana ay may mapulot ka sa pagdaan mo sa mga kwento ng buhay na siyang nagpapayaman sa ating kaisipan.

    ReplyDelete