Isang kwento ng Pakikibaka
Ni Reynaldyq
Parang hindi na sanay ang aking mga kamay na sumulat ng sanaysay-ng mga pakikibaka sa buhay, ng mga samut-saring alalahaning gumugulo sa isipan, mga buhol-buhol na buntonghininga’t hinagpis ng mga nagdaang araw. Pero ayos lang. Basta nabanggit ang LICAB, parang ipu-ipong bumabalik ang kahapon. May saya’t lungkot, may kirot sa dibdib, may pitik ng pag-asa, at may haplos ng pagmamahal.
Kinse anyos ako ng iwan ang bayang Licab. Para sa akin, parang walang anuman. Ano ba naman kasi ang maipagmamalaki ko sa bayang kinagisnan? Maputik kapag tag-ulan, may libreng pulbos kapag tag-araw. Uso pa noon ang kareta, karitela, at kalabaw. Mabagal ang pag-usad ng pag-unlad.
Para sa akin, mas masaya sa siyudad. Maraming tricycle, maraming mapupuntahan.
Kaya madalas, sermon ang inaabot ko kay tatay. Bakit daw napakadalang kong umuwi ng Licab. Ayaw kong sumagot dahil bawal sumagot sa ama. Hindi tamang isaboses ang nararamdaman, lalo pa’t alam kong may masasaktan.
Pero sa loob-loob ko, wala naman akong mapapala kapag madalas akong umuwi. Baku-bako ang daan, mahaba ang biyahe at maalikabok –kaya nga dapat ang pangalan ng bayan natin-LIKABOK. Haaaay.
Isa pa, kapag tag-araw, malayo ang lalakarin mo para umigib ng tubig. Natutuyuan kasi ang mga poso ng tubig. Ang nangyayari, pupunta kayo sa patubig para mag-igib, dala-dala ang mga balde, timba, galon ng mantika at kahit ano pang sisidlan. Haaay na naman.
Gayunpaman, may gintong aral din naman akong natutuhan sa pamamalagi ko sa Licab. Malapit kami sa Diyos, malapit sa simbahan. Naalala ko pa si Ate Dahlia Ventura- siya ang nagturo sa amin na laging magpunta sa Simbahan. May choir noon na binubuo ng kabataan. Matiyaga niya kaming ginagabayan at sinusubaybayan. Usong-uso noon ang Christmas tableau at mga palabas tuwing mahal na araw.
Ngayon, malayo na ang daang aking tinahak. Malayo na rin ang narating ng ating mga kababayan.
Iba na rin ang tanawin sa Licab. Maayos na ang mga kalye, at higit sa lahat may gripo na ang mga bahayan. May daloy na ng tubig sa kabayanan.
Sa pagpasok mo sa Licab, masasamyo mo ang hanging amihan- ang mga butil ng palay na kumakaway, nanghahalina, at nagsasabing- may pag-asa pa. May kinabukasan pa.
Dito sa ibang bansa, lalo mong mami-miss ang manirahan sa Licab. Wala kasi ditong gatas ng kalabaw, inihaw na hito at bulig, bulanglang , bagoong at tuyo. Miss ko na rin ang arroz-de –valenciana ni Nanay.
Sa pag-uwi ko sa Pilipinas, Licab ang una kong pupuntahan.
No comments:
Post a Comment