Saturday, December 8, 2012

ANDIYAN NA SI NANAY


Andyan si Nanay! Medyo nabigla ako nang marinig ko ang boses ni Des. Matamlay ako.  Nilagnat kasi ako kagabi. Parang kagabi lang tinatawag ko si Nanay  habang nahihibang ako sa lagnat. “Napanaginipan kita kagabi, may sakit ka daw”, sabay dampi ng kanyang kamay sa aking  noo. O, may lagnat ka nga. Bakit alam niya? Ah, siguro, dahil siyam na buwan niya akong dinala sa kanyang sinapupunan. Ilang taon nga ba ang ginugol niya sa pag-aalaga sa akin.Dinalhan kita ng paborito mong “tupig”. O kaya mo na bang kumain? Ok lang ako Nay, sagot  ko. Hindi naman na ako baby.


Naala ko nuong bata pa kami, kapag may lagnat, bibili na siya ng Royal Softdrinks. Ewan ko naman kung ano ang relasyon ng Royal sa lagnat namin. Magluluto siya ng Arroz Caldo. Lagi siyang nakabantay.  Laging sinasalat ang noo kung may lagnat pa ba o wala na.  Ilang araw lang, magaling na kami. Hindi ko alam kung sa Royal ba o sa matiyaga niyang pagbabantay.

Tanda ko pa noon kung paano niya kami patulugin. Sa mga hele ng kanyang awitin, ay para kaming idinuduyan. Hanggang ngayon, naalala ko pa ang awiting  lagi niyang pampatulog sa amin:
“Ayaw kong ayaw kong mag-alaga ng manok,
Kung ako’ aalis, kung akoy aalis, aking hinahaplos,
Pag ako’y dumating, pag ako’y dumating,
Balahibo  ay gusot,
Ay, iyan ang simula, iyan ang simula, ng hindi, magaling.”


Hindi ko naiintidihan kung ano ang ibig sabihin ng awitin, pero sa himig nito, basta nakakatulog na ako. Kaya ayun, hanggang sa pagtanda, parang sirang plaka, paulit-ulit, umuukilkil sa isip ko.
May mga pagkakataon, bigla siyang susulpot sa bahay. Nakakaaliw ang mga kwento niya. At kapag sinimulan niya talagang, simula at sa gitna, may pasakalye. Parang advertisement sa TV. Kailangan may hintayin mo kung kaylan niya wawakasan ang sinumulan niyang kwento. Napakatining ng kanyang memorya. Natatawa ako at naaliw, kapag kumambyo siya, at sasabihin niya, teka lang, may nakalimutan pala ako. Bigla kaming magtatawanan, na nakikinig sa kanya. Siguro, kung naging manunulat siya, makakatanggap siyang ng “Palanca Award.”

Maalalahanin si Nanay.  Minsan nga hindi naman niya problema, pinoproblema niya. Ang sabi ko nga, Nanay, malalaki  na ang mga anak mo. Hayaan mo na sila ang humanap ng solusyon sa kanilang problema. Pero talaga yata na likas sa isang Ina ang maging mapagkalinga. Tulad ng isang inahing manok, titipunin niya sa kanyang mga pakpak  ang mga inakay para maipagtanggol sa mga Agilang umaaligid sa kanya.

Noong huling magkita kami ni Nanay, nakita ko kung  paano unti-unting iginugupo siya ng katandaan. Wala na ang mga kwentong nagpapasaya sa amin. Nakita ko na unti-unti nawawala na ang kanyang memorya. Ang masaya doon,  kilala pa rin niya ako.  Kailan ba ang alis mo patungong Bahrain, tanong niya? May namuong luha sa kanyang mga mata. Napakamot ako sa batok,"next week na", sagot. ko. Hindi mo naman ako nami-miss. Sino nagsabi. pakli niya. Alam ko kasi hindi naman ako ang paborito mo. May himig hinampo ang boses ko. Yun tipong naglalambing sa Nanay. Gusto ko kasi sabihin niya, wala naman akong paborito, lahat kayo mahal ko. Lahat kayo mga anak ko. Ngumiti lang siya. Siguro nga mahirap magpalaki ng sampung anak. Sampung magkakaibang ugali. Pero iginapang niya kami. Naitawid niya ang pagpapalaki sa amin. Sapat na lumaki kami at nakapag-aral, lumaban sa mga unos ng buhay. Kahit papaano, nanduon pa rin ang kanyang dignidad bilang isang ina. Hindi kayang tumbasan ng kahit anumang salita, ang pasasalamat ko sa kanya. Dahil alam ko, ang bawat ina, handang magsakripisyo, handang itaya ang lahat-lahat, gumanda lang buhay ng kanilang mga anak. Kahit nga sabihin,  na ang mga anak, nagdaraaan lang sa mga ina. At ang mga anak ay hindi nila pag-aari. Darating ang panahon, aalis ang mga anak, at magtatayo ng sarili nilang pamilya. 

Pasalubong ko sa iyo. Inabot ko  sa kanya ang isang gintong kuwintas. Ako na ang magsusuot sa iyo.Para lagi mo akong naalala, sabi ko. Nakangiti siya. Sino ba kasi ang nagsabi na hindi kita paborito, tanong niya? Pareparehas lang pagtingin ko sa sa inyo. Lahat kayo, pantay pantay. Sa tototoo, hindi ko naman gustong manumbat. Gusto ko lang arukin kung paano niya sasagutin ang mga tanong ko. Gusto ko kasing maglambing. Gusto ko muling marinig ang mga hele niya sa amin. Gusto kong marining ang mga awit niya bago kami matulog sa gabi.

Bakit kaya ang mga Nanay nararamdaman ang mga sakit ng kanilang mga anak? Hindi lang minsan nangyari, biglang siyang dumarating kapag ako ay maysakit. .  Siguro dahil galing ako sa sinapupunan niya. Malalim ang nagbibigkis sa isang ina at isang anak. Hindi ito kayang patirin ng distanya, ng mga hinanakit, ng mga problema. Dahil ang Ina ay Ina. Malalim ang pinaghuhugutan ng kanilang pagmamahal. Marahil, hindi ko lang sinabi sa kanya,ngunit sa puso ko, sa bawat pintig nito, mula sa mga libolibong ugat, at dugong dumadaloy dito, Mahal na mahal ko ang Nanay ko. 


Disclaimer: Pictures and sketches shown in this blog  are  not owned by the Author. The material appearing in this blog was all found on the internet and assumed to be in the public domain. I claim no credit for the pictures or videos posted on this blog, if you own the copyright on a particular photo or video, then email me at quilonreynaldo@gmail.com

No comments:

Post a Comment