Monday, November 26, 2012

ANG PANGANAY


Ang Panganay

Si Ateng ang panganay sa sampung magkakapatid. Sa lahat   ng panganay, siya na yata ang maituturing kong pinanindigan ang pagiging responsable, matapat, magalang at mahusay sa bahay. Kung baga, nahubog siya sa matandang kaugalian, na siya ang tumayong pangalawang magulang kapag wala ang Nanay at Tatay. At hindi lang yan, isa siyang mahusay na guro ng mataas na paaralan. Para sa amin, masungit siya ngunit kabaliktaran naman ang pahayag ng kanyang mga naging estuduyante. Mabait daw siya, malambing at mahusay makisama. Pati ang kanyang mga dating  kasamahang guro, mataas ang paghanga at papuri sa kanya.
Masaya kami kapag dumating siya sa aming bayan. Kasi nga, bihira siyang umuwi galing ng lungsod. Para sa akin, fiesta na naman. Napakasarap kasi niyang magluto. Estupado, menudo, kare-kare, kaldereta kahit ano alam niyang iluto. Siguro namali lang siya ng kursong kinuha dahil napunta siya  sa pagtuturo. Marahil, mas magiging matagumpay siyang chef kung sining ng pagluluto ang kanyang kinuha.

Alam ko malaki ang sakrispisyo niya sa amin. Maraming taon ang ginugol niya para tulungan kaming makatapos ng pag-aaral. Tandang-tanda ko pa nang sabihin niya na magluto daw ako ng tinola. Tinola? Paano bang lutuin ang tinola, tanong ko sa kanya? Aba, kahit lalaki ka dapat marunong kang magluto. Pagkaraan, inisa-isa niya ang paraan ng pagluto ng dakilang tinola. Isinama niya ako sa palengke, at ginaygay ang kahabaan ng Kalye Burgos, para makakita ng manok na gagawing tinola. Dapat daw amuyin kung sariwa ang manok. Humanap kami ng berdeng papaya mula sa puno, dahon ng sili,  luya, patis,  at lahat ng sahog sa panggisa.  Umiiyak ako habang binabantayan ang kawawang manok na ginigisa. Hindi dahil naawa ako sa kanya. Naawa ako sa sarili ko dahil hindi ako sanay magluto. Habang umaawit si Claire dela Fuente ng “Tukso Layuan Mo ako”, panay ang pahid ko sa luhang bumabalong sa aking mga mata.  O ayan, masarap naman ang iyong tinola. Nakangiti na siya. Sa susunod, adobo naman. Sa loob-loob, ko baka magtayo kami ng karinderya at gawin niya akong tagapagluto. Hindi, ayoko. Nagsusumigaw ang puso ko, na ayaw ko, pero hindi pwedeng rason yun. Ang panganay ang nasusunod.

Dahil nasa Kolehiyo na ako, marami na din akong pangangailangan. Syempre nakitira lang ako sa kanya dapat matuto akong makisama. Alas sais en punto, dapat nasa bahay na galing ng school. MInsan na “late” akong  umuwi, mga five minutes. Nang dumating ako, nasa may pinto na  siya. Anong oras na?  Ateng, nagpraktis kami para presentation bukas, sagot ko. Hindi lang siya umimik, pero alam ko galit siya. Noon hindi ko maintindihan kung bakit napakahigpit niya, at saka ko lang napagtanto na ginawa niya yun para sa aming kabutihan. Ilagay mo sa isip mo na dapat makatapos ka ng pag-aaral. Iyan ang lagi niyang pangaral. Dahil ayaw ko naman na siya lahat ang gumastos sa akin, naghanap ako ng part-time job. Kahit papaano, naitaguyod ko ang aking pang-araw araw na gastos. Nagulat ako minsan dahil, ipanagmamalaki niya ako sa co-teacher niya. Kahit pala madalas siyang magalit, palihim lang ang paghanga niya. Sa loob-loob ko, mabait naman pala siya.

Ang maipagmamalalaki ko  sa kanya, maalahanin siya. Lagi siyang may pasalubong kahit saan siya pumunta. Tanda niya ang lahat ng Birthdays. Anniversary. Pasko. Bagong Taon. Sa lahat ng okasyon, may masarap siyang niluluto na siya naming pinakakaabangan. Kahit maliit na bagay lang, lagi siyang may inaabot. Nakatapos din ako ng pag-aaral, at sa panahong nakasama ko siya, natuto akong magluto. Natuto akong makisama. Natuto ako sa buhay na malayo sa Nanay at Tatay. Natuto ako na hindi lahat ng bagay ay nakukuha nang madali. At higit sa lahat, hindi pala lahat ay  natututuhan sa apat na sulok ng paaralan. Ang sabi niya, minsan dapat daw tumanaw ka lang sa bintana at makikita mo kung ano ang reyalidad ng buhay. Siya ang nagturo sa akin na ang mga karanasan ang siyang pumupuno sa ating  pagkatao.

Bago ako pumunta ng ibang bansa may sinabi siya akin. Hindi ko maintindihan kung bakit inihabilin niya ang bunso niyang anak. Lagi mong subaybayan ang inaanak mo ha. Bakit, tanong ko? Baka kasi hindi makatapos ng pag-aaral. Pilyo kasi. Hindi ko lang pinansin yun. Pero sa isang sulok ng isip ko, bakit kaya niya sinabi yun?

Nakarating ako ng Bahrain. Para sa akin bagong adventure. Bagong pakikihamok sa buhay. Minsan isang gabi, nanaginip ako. May isang babaeng nakaputi. Nakatingin sa akin. May narinig akong umuungol. Napabalikwas ako at nagising. May umuungol sa kabilang kuwarto. Ang kaibigan ko, binabangungot. Niyugyog ko siya at pilit ginising. Nagising siya at nangangatal. May isang babaeng nakaitim, sabi niya, nakatingin  akin. Ang sabi ko, ako din ay nanaginip at may babaeng nakaputi at kakatingin din sa akin.  Kinabukasan, alas sais ng umaga at nag-ring ang aking cellphone. Normal na sinagot ko.  Ang sabi sa kabilang linya, wala na si Ateng. Umikot ang mundo ko. Hindi ko maintindihan. Saan siya nagpunta, tanong ko? Patay na. Maraming tanong sa isip ko. Maraming marami, na hindi kayang sagutin. Bakit siya pa? Umaagos lang ang luha sa aking mata. Hindi mapatid-patid. Paano akong uuwi? Dalawang taon ang kontrata ko.


Nailibing si Ateng, hindi ako nakauwi. Marami akong gustong sabihin. Marami akong dapat ipagpasalamat. Nagtirik ako ng kandila para sa kanya. Gusto ko siyang alayan ng maraming bulaklak. Gusto ko siyang gawan ng magandang tula. Gusto ko siyang iguhit sa aking panaginip.

Wala na ang panganay na nagturo sa aking kung paano mabuhay nang mag-isa.



No comments:

Post a Comment