"It is only with the heart that one can see rightly; What is essential is invisible to the eyes. " The Little Prince.
Saturday, October 27, 2012
Thursday, October 18, 2012
A Love Story Made In Heaven
(http://www.guardian.co.uk/culture/gallery/2011/feb/13/ten-best-love-stories-in-pictures#/?picture=371617689&index=6)
Heto na naman. Habang pumapailanlang ang kantang “It
takes too, long” to learn to live alone, biglang naging emo mode ako. Nag-iisa
ko sa apat na sulok ng aking paraiso, kung paraisong ngang matatawag ang aking
kuarto. Dito sa apat na sulok ng
kuadradong pook nakakahugot ako ng mga bagong ideya sa pagsusulat. Ayon nga naging titulo tuloy a love story made in heaven.
Ang pag-ibig ba sa langit pa nagmula, o ginawa
mula sa langit? May kasabihan na
ang makakasama daw natin habang buhay ay
nakatakda. Kung baga, ang bawat isa pala
ay may kapartner na sa libro ng nasa itaas. Kung baga, kahit ano ang gawin
natin, matatagpuan natin ang taong makakasama natin na tatahak sa masalimuot, mabako, mahabang
daan ng buhay.
Heto
ang isang madamdaming sinulat ng isang pusong umiibig : “Two
souls with but a single thought, two hearts that beat as one - Love is not by
our choice, but by our fate.”
Ang tunay na pag-ibig daw ay dumarating ng hindi inaasahan.
Dumarating sa tamang panahon, sa tamang pagkakataon, at sa tamang tao (Basta
ba walang tama sa isip yun makakapartner mo!!). Sa mga panahong dumarating ang mga unos ng
buhay, mayroong isang tao na sasagip sa atin ng hindi natin inaasahan. Ang
taong iyon ang siyang magpapalaya sa atin sa tanikala ng isang madilim na
kahapon.
|
"In a world that's
full of suffering, he/she's the breath of air, and a sign that life's still
fair."
Written in the stars, Yes it was plain to see yes it was meant to be, yes this is "Destiny". True love is destined. True love is a gift, because true love is a love "Made in Heaven". (http://forum.smallworlds.com/showthread.php?t=109870).
Written in the stars, Yes it was plain to see yes it was meant to be, yes this is "Destiny". True love is destined. True love is a gift, because true love is a love "Made in Heaven". (http://forum.smallworlds.com/showthread.php?t=109870).
Alam ko sa mga pusong bata pa sa pagmamahal,
maraming kahulugan ang pag-ibig. Pero tama nga na dapat hindi mo yun hanapin,
dahil kusa siyang darating. Tulad ng isang mag-nanakaw sa gabi, hindi mo inaasahan.
Eh paano naman kung tumatanda ka na at kahit isang galong Vaseline cream na ang
ginagamit mo ay patuloy pa rin ng pangungulubot ng iyong balat? Maghihintay ka
pa rin ba, o magdarasal sa Diyos na kahit sinong unang dumating, siya na yun. Hindi
bale na lang na hindi kagandahan, at may kaliskis ang balat, pwede na rin. Sabi
nga ng kaibigan kong babae, noong edad
bente daw siya, marami siyang qualifications: guapo, makisig, may kotse, may
hanapbuhay. Noong trenta na siya kahit makisig at may hanapbuhay na lang. Noong mag 40 na
siya, basta lalaki lang kahit siya na ang bumuhay, basta may makasama lang.
Sabi nga niya, kapag may ikinakasal daw hindi niya tinatapos. Sa kalagitnaan daw
ng kasal umuuwi na siya at humaharap sa salamin. Ang tanong niya sa mahiwagang
salamin, bakit daw ang lahat ng kaibigan niya ikinasal na, siya na lang ang
hindi? Hanggang ngayon, umaasa pa rin siya na nakatapak ang paa sa lupa at nakatingala sa langit:
Oh God please give me a lover.
Ang kabiguan daw ay parang mga bagyo sa tag-init. Ang lahat daw ay nagiging maganda kapag lumipas na. Sa ganang akin, ang pag-ibig ay hindi naman
gawa mula sa langit, ito ay kusang bumubukal, umuusbong, yumayabong at
namumunga mula sa puso natin. Ang mahalaga, kapag umibig tayo, natututo tayong magbigay
ng ating sarili, at kinakalimutan natin ang
pagigin makasarili. Sapagkat ang tunay
na pagmamahal ay mapagbigay at maalalahanin, mapang-unawa at hindi
mapang-husga. Ang tunay na pag-ibig ay hindi ipinipilit kung hindi kusang
ibinibigay. Ang tunay na pag-ibig ay hindi naghahangad kung hindi naghahanap
kung paano mo mapapaligaya ang iyong minamahal.
Tuesday, October 16, 2012
Si Yuki, No Permanent Address
“Pinambayad po
ako sa Taxi ng Nanay ko. “ Napatingin ako sumandali sa TV show ni Willy Revillame
sa TV 5. Napatitig ako sa isang contestant na babae, hindi dahil sa marami
siyang tattoo sa katawan kung hindi sa lalim ng kanyang pangungulila sa kanyang
ina. Ayon sa kanya, pitong taon siya noon iwan siya ng kanyang inang Japayuki
para ipambayad sa Taxi. Marami pang mga dayalogo mula sa host at sa contestant,
pero naantig ang mga manunuod ng umawit na si Yuki. Dama sa awit niya ang
pangungulila sa isang ina. Dahil siguro
naantig din si Willy, binigyan nya ng kabuyahan ang ama-amahang kumukop sa
contestant. Isang primera klaseng kotse ang ibinigay ni Mr. Revillame, para
ipang hanap-buhay ng nasabing ama.
Akala ko sa mga
melodrama lang at telenovela napapanuod
ang ganitong eksena. Pero narito at buhay na patotoo si Yuki. Isa isang biktima ng sirkumstanya na hindi
niya ginusto. Hindi bale na lumaki siya sa hirap, nagpakatulong, at lumayas upang buhayin ang kaniyang sarili.
Ayon sa kanya, disisais anyos siya ng lumayas sa mga kumukop sa kanya. Naalala ko
tuloy ang isang kwento tungkol sa mga batang iniwan ng kanilang mga magulang sa
Japan.
Ayon sa
aking pagsasaliksik, ang pangingibang bayan
ng mga Filipina Entertainers sa Japan
noong dekada sitenta (1970) ay
nakapagprodyus ng humigit kumulang na
200, 000 Japanese- Filipino Children (JFC). Marami sa kanila ang iniwan o
inabandona na ng kanilang mga ama at hindi na nakatatanggap ng ano mang suporta
sa kanilang amang Hapon. Kung hindi naging
matagumpay ang pagsasama ng isang Pinay at Hapon, maraming mga kababayan ang
umuuwi sa Pilipinas kasama ang kanilang mga anak ( http://globalnation.inquirer.net/news/breakingnews/view/20090910-224545/Japanese-Filipino-children-long-for-fathers).
Si Shiro Ito, isang tagasaliksik na Hapon mula sa Unibersidad ng
Pilipinas ang kumalap ng mga datos
tungkol sa mga Japanese Filipino Children. Ayon sa kanya , ang humigit kumulang
sa sampung libong kabataang Japanese –Filipino ay inabandona ng kanilang
mga ama. Hindi sila mga produkto ng mga nakaw na sandali o one night stand,
bagkus ay ipinanganak pagkatapos ng
ilang taong pagsasama. Marami sa mga nakarelasyon ng Filipina ang biglang
nawawala pagkatapos malamang nagdadalang-tao na ang kanilang kasintahan. Marami
sa mga Hapon na naging karelasyon ng mga Filipina ang tumakbo at hindi na nagpapakita upang
makatakas sa kanilang responsibilidad.
Habang umaawit si Yuki, marami
sa manonood ang tumutulo ang luha. Naramdaman nila ang lalim ng kanyang
hinanakit, ang maraming taong naghahanap siya nang kalinga ng isang Ina. Hindi
natin alam kung ano ba talaga ang dahilan kung bakit iniwan si Yuki ng kanyang
tunay na ina. Ang katotohanan ay nakatitig sa atin, masarap mabuhay kapiling ang
ating Ina.
References
Ito, Shiro (2011). Brief Research Note: Some Issues on
Japanese-Filipino ChildrenPh.D. Student,Department of Sociology, College of
Social Sciences and PhilosophyUniversity of the Philippines, Diliman,
Philippines.E-mail: shiro.ito@up.edu.http://globalnation.inquirer.net/news/breakingnews/view/20090910-224545/Japanese-Filipino-children-long-for-fathers
Monday, October 8, 2012
Munting Hiling
"Sana, magkasama-sama uli kami. " May kurot sa puso ang sagot ni Bella nang tanungin ko kung ano hiniling niya kay God minsang nagpunta kami sa Manaoag. May hawak siyang maliit na papel. Naka-drowing duon ang isang pamilyang masaya. May maliliit pang puso sa paligid . Simbulo marahil ng labis niyang pagmamahal sa kanyang Mama at Papa. Sino naman ito, sabi, ko sabay turo sa isang maliit na tuta sa drowing. Gusto kong iligaw ang mga alalahaning nagpapabigat sa kanyang damdamin, ngunit ako man ay kinagat ng katotohanang malayong mangyari ang kanyang hinihiling.. Kung pwede nga lang, ako na lang ang tumupad ng kanyang hiling. Ngunit alam ko, hindi saklaw ng kapangyarihan ko ang gumawa ng ganoong magic.
Ewan ko ba? Nasasaktan ako kapag nakita ko siyang malungkot. Hindi kaya ng puso ko makita ko na wala siyang sigla. Tumalikod ako sa kanya, at palihim na pinahid ang aking luha. Hayaan mo na, sabi ko, andito naman ako. Lagi kitang babantayan. Pero alam ko hindi kayang punan ng pangungulila niya sa isang Ama o sa isang Ina. Nandiyan lang naman sila, pero bakit, kayhirap nilang abutin. Sa musmos na puso ng isang bata, alam niya kung ano ang kulang. Alam niya kung ano ang magpapasaya sa kanya.
Ang masakit doon, iniwan ko din siya. Nagpunta ako ng ibang bansa para humanap ng mas magandang oportunidad. Nang huling mag-usap kami masaya na siya. Siguro, lumipas na rin ang mga emosyong nagpapabigat sa kanyang puso. Alam mo Papu, nasa honor roll ako sabi niya. Very Good, pakli ko.Kumusta ka na?, tanong ko. Ok na ako. Marunong na akong mag-piano. At lagi akong sumasali sa poster making contest. Kumusta naman ang aso mong si Kenjie, tanong ko. Biglang naramdaman ko ang ibang sigla niya. Ayun, malaki na siya. Lagi nga naming dinadala sa Vetenerarian, eh. Para lagi siyang malusog. Hayaan mo pag-uwi ko, kakaibiganin ko din yang aso mo, sabi ko. Natawa siya.
Simula noon pag-nagkausap kami, lagi ang topic eh yung aso niya. Bigla kong naisip ang drowing na nakita ko noong pumunta kami sa Manaoag. Meron doong isang maliit na tuta sa tabi niya. Noon ko napagtanto na ang munting aso ang pupuno sa kakulangan sa buhay niya. Doon niya nakita na ang isang aso, kahit na hindi nagsasalita, tumatawa o umiiyak, ay maaring maging kaibigan habang buhay. Kung ang tao, pwede kang iwan na parang isang manikang basahan, ang aso hindi. Mananatili siyang matapat sa iyo. Hindi nga ba kailan lang, napabalita ang kabayanihan ng isang asong si "Kabang" na naglitas sa buhay ng kanyang amo. Napingas ang kanyang nguso, at ngayon ay tinanghal siyang bayani sa kanilang bayan.
Papu, pwede ba akong humiling sa iyo pag-uwi mo?, tanong ni Bella. Biglang kinabahan ako. Muling nabuhay ang mga alalahanin sa puso ko. Baka hindi ko kayang ibigay. Ano ba kasi yun, tanong ko?
Eh pwede ba bilhan mo pa ako ng isa pang aso. Yung Shitzu. Gusto ko kasi yun maliit lang. Lumuwag ang dibdib ko. Oo naman. Masaya na si Bella.http://www.saranggolablogawards.comMunting Hiling
Wednesday, October 3, 2012
FADED PHOTOGRAPHS
Faded Photographs. Tinitigan kong
mabuti ang mga larawang kupas. Dekada Sitenta. Hindi pumasok sa isip ko ang batas militar. During that time, there
were bloody riots in the streets of Mendiola, and the slogan kept resounding: “Makibaka, huwag matakot.” Basta ang pumasok sa isip ko: High school
days. Nakikipag-agawan ang mga eksenang high school na hindi malimutan. Sa
isang sulok ng isip ko, nanduon ang excitement, ang pagkamulat, ang mga
pira-pirasong pangarap na gustong abutin. Naalala ko pa ang second hand CAT
uniform na pinamana ni Kuya. Wala sa akin yun, basta ang mahalaga makatapos ng
pag-aaral. Noon, malayo na ang tanaw ko sa kinabukasan.
Patpatin ako noong high school.
Marami akong insecurities dahil payat na payat ako. Sabi nga nila, isang bulate
nalang ang pipirma at matitigok na. Syempre kinikimkim ko lang ang mga
panunukso, panunuya, pambubuska. Basta ang mahalaga, makatapos ako ng
pag-aaral. Siguro kung ngayon nagyari yun. pwede ko silang ihabla ng “ bullying”.
Pero mag-kaiba nga panahon noon sa ngayon.
Matalino daw ako sabi nila. Siguro nga,
ngunit hindi naman ako nag-valedictorian. Marahil dahil kulang ako sa mga gamit
na aklat. Kailangan kasing mabasa namin nang buo ang “Noli Me Tangere.” Nung
nasa college lang ako at saka ko nalaman na may nawawalang kabanata pala sa
libro ng pambansang bayani. Gayun pa man ay alam na alam ko naman ang mga
katangian ng mga Padre Damaso, Pilosopo Tasyo, Maria Clara, Ibarra at Salome. Ang tanda ko lang, mayroon doong kabanatang pinamagatang
“Pag-uulayaw sa Azotea.”
(Circa 70, Courtesy of Rosario Santos)
Sa Kolehiyo, Liberal
Arts ang unang kursong pinasok ko. Hindi dahil iyon ang gusto ko. Yuon ang
gusto ni Tatay. Pangarap daw niya kasing
maging isang magaling na abogado. Dahil iyon ang gusto niya, ipinilit niya sa
akin. Sa amin kasi, military rule. “Obey first before complaining.” Second sem,
nag-iba na ako ng kurso. Doon ko nakita kung paano magalit si Tatay. Gusto niya
akong saktan, pagbuhatan ng kamay, paluhurin sa munggo at ibitin ng patiwarik.
Suwail daw ako. Dahil bata pa ako, payat at walang kaya, hindi ko kayang
ipagtanggol ang aking sarili. Buti na lang maagap si Nanay. Ang sabi lang niya, hayaan mo siya kung ano
ang gusto niya. Napayapa ang loob ni
Tatay. Matagal kaming hindi nagkibuan. Dama ko ang damdamin ng isang Ama
na nangarap at nabigo. Pero ano ang
magagawa ko, iba ang takbo ng isip ko? .
At iba ang landas na gusto kong tahakin. Para sa akin, kung saan ka masaya doon
ka.
Colorful memories of college
days. Nagsimula akong bumuo ng pangarap ko. Kung ano ang gusto kong marating,
yun ang aking susundin.Komersyo ang kinuha kong kurso. Gusto kong yumaman.
Ngunit hindi naman yata sining ng pangangalakal ang napuntahan ko. Sa Dalubhasaan ng Imakulada Konsepsyon, doon nagsumikap akong maging isang
manunulat. Hindi pa sanay ang isip ko, ngunit sa puso ko, alam ko isang dangkal
lang ang tagumpay mula sa lupang kinatatuyuan ko. Nakatapos at kahit sabihing maliit lang ako, higanteng pangarap
para sa akin ang nakamit ko. Graduation day. Kasama ko si Nanay para tanggapin
ang dalawang “award” sa panulat. Sa sulok ng mata ko, hinanap ko si Tatay.
Darating ba siya, tanong ko kay Nanay? Hindi siya umimik. “Hindi ko alam,” kagyat
niyang sabi.May lungkot sa mata ni Nanay. Kahit hindi niya sabihin, alam ko ang
nilalaman ng kanyang puso. Ang nanay kasi, malalim ang pagtingin sa anak. Tinawag
ang pangalan ko para tanggapin ang
dalawang karangalang banggit. Masaya ako. Sa sulok ng mga mata ko, hinahanap ko
si Tatay. Pababa ako ng stage, nakayuko,
nang biglang may nagsabi, “
Congratulations”. Sinipat ko, inaninaw at hinananap sa likod ng aking isip kung
sino yun. Pamilyar ang boses. May naramdaman akong bikig sa lalamunan. Wala akong masabi pero parang
tumigil ang mundo ko sa pag-ikot. Maiinit ang kamay niya sa akin. Kasing-init
ng luhang bumalong sa aking mga mata. Salamat , Tatay.
Marami ng
nangyari pagkatapos noon. Napasok ako sa isang malaking bangko. Kahit papaano,
naitaas ko ang antas aming kabuhayan. Ngunit
pag-karaan lang ng dalawang taon simula ng makatapos ako ng kolehiyo, pumanaw
si Tatay. Umiyak ako. Ang sabi ko kung kaylan tayo nagkalapit, at saka naman
tayo nagkalayo. Mas lalo akong naiyak ng makita ko na tinipon niya sa isang maleta ang lahat lahat ng isinulat ko. Dahil diyan, hindi pa rin ako
tumigil sa aking pangarap.
Uso na ngayon ang digicams. Lipas na sa uso ang black and white pictures. Ang nasa
itaas ay larawang kupas na nagpabalik sa
aking ala-ala na ipinost ng isang kaklase sa Facebook. Dahil sa Facebook,
maraming magkakahiwalay ang nagkakalapit. Dahil sa mga social networking sites,
may mga relasyong umusbong, namunga at yumabong. Imagine, halos iba na ang
mga hitsura ng mga dating kakaklase, kaibigan, kapatid, kapuso at kainuman. Sa
paglipas ng panahon, maraming pagbabago ang nagaganap. Sabi nga ni Karl Marx,
ang lahat ay tungo sa pagbabago. Kung binago man ng teknolohiya ang buhay natin
at kapaligiran, nanatili ang marubdob na hangaring mapag-isa tayo ng
kumonikasyon. Dahil batid natin, na sa bawat puso ng isang Filipino, kaya
nating tumayo, maglakbay, umalpas sa kalagayang hindi natin ginusto. Dahil sa
isang maliit na hakbang, nagsisimula ang isang higanteng pangarap. Sa isang
maliit na hakbang, nagsisimula tayong kumapit ng mahigpit sa salbabida ng buhay.
Sa isang maliit na hakbang, natututo tayong maging matatag habang tinatahak
natin ang masalimuot na takbo ng buhay.Faded Photographshttps://www.pinoyblogawards.com.https://www.pinoyblogawards.com.
Subscribe to:
Posts (Atom)