Tuesday, September 25, 2012

PWEDE BA?

Nasaan ka?
Hinanap kita sa masalimuot  na panaginip
Hindi ka man lamang nagpakita,
Inaasam kita sa daloy ng tinta
para kahit man lang sa mga kwento ko'y
makapiling ka,
Muli hindi ka rin nagpakita
Lubha siguro mailap sa atin ang mga sandali
Para pagsugpungin   natin ang mga
nakatagong init na dala ng pag-ibig.

Nasaan ka?
Hanggang ngayon gusto kong abutin
Ang mga ala-alang nawaglit
Na ibinulong ng hangin
Ngunit hindi ko lang napansin
Sana nga ngayong gabi
Makapiling kita sa aking panaginip
At sa magdamag ay kasama ka
sa pagtatampisaw sa gilid ng batis!

(Paunawa: Hindi po inaangkin ng may Akda ang mga larawang nakapost sa blog na ito)
Salamat sa pang-unawa.)

Thursday, September 20, 2012


Isang kwento ng Pakikibaka
Ni Reynaldyq


Parang hindi na sanay ang aking mga kamay na sumulat ng sanaysay-ng mga pakikibaka sa buhay, ng mga samut-saring alalahaning gumugulo sa isipan, mga buhol-buhol na buntonghininga’t hinagpis ng mga nagdaang araw. Pero ayos lang. Basta nabanggit ang LICAB, parang ipu-ipong bumabalik ang kahapon. May saya’t lungkot, may kirot sa dibdib, may pitik ng pag-asa, at may haplos ng pagmamahal.

Kinse anyos ako ng iwan ang bayang Licab. Para sa akin, parang walang anuman. Ano ba naman kasi ang maipagmamalaki ko sa bayang kinagisnan? Maputik kapag tag-ulan, may libreng pulbos kapag tag-araw. Uso pa noon ang kareta, karitela, at kalabaw. Mabagal ang pag-usad ng pag-unlad.
Para sa akin, mas masaya sa siyudad. Maraming tricycle, maraming mapupuntahan.
Kaya madalas, sermon ang inaabot ko kay tatay. Bakit daw napakadalang kong umuwi ng Licab. Ayaw kong sumagot dahil bawal sumagot sa ama. Hindi tamang isaboses ang nararamdaman, lalo pa’t alam kong may masasaktan.
Pero sa loob-loob ko, wala naman akong mapapala kapag madalas akong umuwi. Baku-bako ang daan, mahaba ang biyahe at maalikabok –kaya nga dapat ang pangalan ng bayan natin-LIKABOK. Haaaay.
Isa pa, kapag tag-araw, malayo ang lalakarin mo para umigib ng tubig. Natutuyuan kasi ang mga poso ng tubig. Ang nangyayari, pupunta kayo sa patubig para mag-igib, dala-dala ang mga balde, timba, galon ng mantika at kahit ano pang sisidlan. Haaay na naman.
Gayunpaman, may gintong aral din naman akong natutuhan sa pamamalagi ko sa Licab. Malapit kami sa Diyos, malapit sa simbahan. Naalala ko pa si Ate Dahlia Ventura- siya ang nagturo sa amin na laging magpunta sa Simbahan. May choir noon na binubuo ng kabataan. Matiyaga niya kaming ginagabayan at sinusubaybayan. Usong-uso noon ang Christmas tableau at mga palabas tuwing mahal na araw.
Ngayon, malayo na ang daang aking tinahak. Malayo na rin ang narating ng ating mga kababayan.
Iba na rin ang tanawin sa Licab. Maayos na ang mga kalye, at higit sa lahat may gripo na ang mga bahayan. May daloy na ng tubig sa kabayanan.
Sa pagpasok mo sa Licab, masasamyo mo ang hanging amihan- ang mga butil ng palay na kumakaway, nanghahalina, at nagsasabing- may pag-asa pa. May kinabukasan pa.

Dito sa ibang bansa, lalo mong mami-miss ang manirahan sa Licab. Wala kasi ditong gatas ng kalabaw, inihaw na hito at bulig, bulanglang , bagoong at tuyo. Miss ko na rin ang arroz-de –valenciana ni Nanay.
Sa pag-uwi ko sa Pilipinas, Licab ang una kong pupuntahan.

Tuesday, September 18, 2012



Ako si Rey, Laking Nueva Ecija

Batang Nueva Ecija. Parang may kaakibat na yabang ang taguring yan. Sa ganang akin, may higit na dapat bigyan ng pansin, hindi lamang ang panglabas na anyo, gaya ng isang sanggano  na may tattoo ng agila sa dibdib. Ang batang Nueva Ecija , oo nga at may likas na tapang, na kayang matanggol sa kanyang karangalan, ay hindi palaaway, bagkus marunong rumespeto sa  kapwa, marunong magbanat ng buto, makapamilya, mapagmahal sa Diyos at higit sa lahat, marunong gumalang. Sa Nueva Ecija, ang po at opo ay panghimagas lang sa anumang matatamis na usapan.

Ang Nueva Ecija ang pinakamalaking probinsya sa Central Luzon. Pagtuntong ng buwan ng Setyembre, ang samyo ng hanging amihan ang sasalubong sayo sa mga kanayunan. Masayang pagmasdan ang mga tao sa kanilang  paggapas ng palay. Hindi maikakalang lahat  ay  nakatuon ang layon sa darating na kapaskuhan. Buhay na ang negosyo sa lahat ng bayan. Para sa mga taga-Nueva Ecija, ang mga buwang may huling bigkas ng “Ber” ay nagbabadya na ng mga malakihang piging tulad ng kasalan, binyagan, at reyunyon. At dahil sa likas na mataba ang lupa, ang biyaya ng Maykapal ay inaani ng mga magsasaka ng gulay, bawang, sibuyas  at palay.

Lubhang malaki na ang isinulong ng Nueva Ecija sa pagtatanim ng palay kung kaya’t naturingan itong “Bangan ng Bigas ng Pilipinas”. Nagmumula sa Nueva Ecija ang masasarap na bigas sa buong Pilipinas. Sabi nga nila, bigas palang, ulam na. Dapat ding ipagmalaki ng  Pantabangan Dam, ang isa sa mga inprastruktura na nagbibigay ng patubig sa buong Nueva Ecija. Dahil dito, patuloy ang taniman at anihan ng mga biyaya ng lupa.

Marami ding magagandang  tanawin sa Nueva Ecija. Nariyan an Minalungao  National Park at mga putaputaking  talon sa Carranglan.  Dinarayo din ang Ostrich Farm sa  San Leonardo Nueva Ecija.Maipagmamalaki din ang Science City of Munoz kung saan ang tanyag na Central Luzon State University ay namamayagpag sa kanilang makabago at mahusay na pananaliksik  sa larangan ng Agrikultura. 

Dahil sa kaunlaran, maraming tao na nagbibigay ng sarisaring kuro-kuro tungkol sa Nueva Ecija. Kaakibat sa pagsulong ng teknolohiya at  mga negosyo, ang Lungsod ng Kabanatuan ay naghahangad na maging isang “Highly Urbanized City”. Sa ganitong usapin, may mga ibat-ibang kuro kuro at palapalagay, mga  nagpipingkiang  idealismo na minsan nagiging sanhi  din ng mga sentimyento, tampuhan, tuksuhan at minsan, awayan. Para sa isang mamayang nakiki-usyoso lang,  dapat lang maghintay kung ano man ang itatakbo ng botohan. Ang mahalaga, sa isang demokrasya, marinig ang ang impit na hiyaw ng higit na nakararami.

Ako si Rey, batang Nueva Ecija. Sa ganang akin, ang pinagmulang pook ang siyang humuhubog sa ating pagkatao. Mula nang iwan ko ang pook na ito, at saka ko  naisip ang kagandahang busilak na ipininta ng Maykapal.  Sa malayo, nakahahalinang pagmasdan ang luntiang paligid na animo’y daan patungong paraiso, ang mga kabundukan na nagsisilbing tagapagbantay ng mga burol at kagubatan, habang sa himpapawid ay masayang naglalayag ang mga layang-layang, at sa mga bukirin ay malayang dumadapo ang mga paru-paro’t  bubuyog , sa saliw ng huni ng mga  kuliglig at mga palakang ligaw.

Ang sabi nga, saka mo lamang malalaman  ang halaga ng isang bagay kung ito ay wala na.  Pagyamanin nating ang ipinagmamaliking  ganda ng kalikasan. Mahal ko ang aking bayan. Mahal ko ang Nueva Ecija kung saan ang bigkis ng pagmamahal ay siyang namamayani sa puso ng mga mamayan.
Ang sanaysay na ito ay lahok sa: http://www.saranggolablogawards.com

Thursday, September 13, 2012

Kapit-Kamay


Kapit-Kamay
Hayaan mong dalhin kita
Sa mga batis ng kawalang hanggan
Kung saan masaya tayong maglalakbay
Magtatampisaw tayo sa mga luntiang dahon
Ng mga damong ligaw
Pawiin ang  uhaw  sa  hamog  ng  magdamag
At hayaang maglambing ang mga kuliglig
Sa mga haranang hinabi ng mga luksang pangarap
Hayaan mong  isama kita
Sa aking daigdig na puno ng kulay
Kung saan may galak tayong  maglalakbay
Maglalaro tayo sa mapuputing buhanginan
Kung saan sumumpang magmahal
Sa kabila ng kailanman
Hayaan mong  sundan kita
Sa mga gilid ng burol at mga  kabundukan
Kung saan dumadampi ang init at silab
Ng haring araw       
Hayaan mong alalayan kita
Sa pagakyat sa punong sinegwelas
Kung saan ang  asim at tamis
Ng aking pag-ibig ay iyong makakamtan.