Monday, November 26, 2012

ANG PANGANAY


Ang Panganay

Si Ateng ang panganay sa sampung magkakapatid. Sa lahat   ng panganay, siya na yata ang maituturing kong pinanindigan ang pagiging responsable, matapat, magalang at mahusay sa bahay. Kung baga, nahubog siya sa matandang kaugalian, na siya ang tumayong pangalawang magulang kapag wala ang Nanay at Tatay. At hindi lang yan, isa siyang mahusay na guro ng mataas na paaralan. Para sa amin, masungit siya ngunit kabaliktaran naman ang pahayag ng kanyang mga naging estuduyante. Mabait daw siya, malambing at mahusay makisama. Pati ang kanyang mga dating  kasamahang guro, mataas ang paghanga at papuri sa kanya.
Masaya kami kapag dumating siya sa aming bayan. Kasi nga, bihira siyang umuwi galing ng lungsod. Para sa akin, fiesta na naman. Napakasarap kasi niyang magluto. Estupado, menudo, kare-kare, kaldereta kahit ano alam niyang iluto. Siguro namali lang siya ng kursong kinuha dahil napunta siya  sa pagtuturo. Marahil, mas magiging matagumpay siyang chef kung sining ng pagluluto ang kanyang kinuha.

Alam ko malaki ang sakrispisyo niya sa amin. Maraming taon ang ginugol niya para tulungan kaming makatapos ng pag-aaral. Tandang-tanda ko pa nang sabihin niya na magluto daw ako ng tinola. Tinola? Paano bang lutuin ang tinola, tanong ko sa kanya? Aba, kahit lalaki ka dapat marunong kang magluto. Pagkaraan, inisa-isa niya ang paraan ng pagluto ng dakilang tinola. Isinama niya ako sa palengke, at ginaygay ang kahabaan ng Kalye Burgos, para makakita ng manok na gagawing tinola. Dapat daw amuyin kung sariwa ang manok. Humanap kami ng berdeng papaya mula sa puno, dahon ng sili,  luya, patis,  at lahat ng sahog sa panggisa.  Umiiyak ako habang binabantayan ang kawawang manok na ginigisa. Hindi dahil naawa ako sa kanya. Naawa ako sa sarili ko dahil hindi ako sanay magluto. Habang umaawit si Claire dela Fuente ng “Tukso Layuan Mo ako”, panay ang pahid ko sa luhang bumabalong sa aking mga mata.  O ayan, masarap naman ang iyong tinola. Nakangiti na siya. Sa susunod, adobo naman. Sa loob-loob, ko baka magtayo kami ng karinderya at gawin niya akong tagapagluto. Hindi, ayoko. Nagsusumigaw ang puso ko, na ayaw ko, pero hindi pwedeng rason yun. Ang panganay ang nasusunod.

Dahil nasa Kolehiyo na ako, marami na din akong pangangailangan. Syempre nakitira lang ako sa kanya dapat matuto akong makisama. Alas sais en punto, dapat nasa bahay na galing ng school. MInsan na “late” akong  umuwi, mga five minutes. Nang dumating ako, nasa may pinto na  siya. Anong oras na?  Ateng, nagpraktis kami para presentation bukas, sagot ko. Hindi lang siya umimik, pero alam ko galit siya. Noon hindi ko maintindihan kung bakit napakahigpit niya, at saka ko lang napagtanto na ginawa niya yun para sa aming kabutihan. Ilagay mo sa isip mo na dapat makatapos ka ng pag-aaral. Iyan ang lagi niyang pangaral. Dahil ayaw ko naman na siya lahat ang gumastos sa akin, naghanap ako ng part-time job. Kahit papaano, naitaguyod ko ang aking pang-araw araw na gastos. Nagulat ako minsan dahil, ipanagmamalaki niya ako sa co-teacher niya. Kahit pala madalas siyang magalit, palihim lang ang paghanga niya. Sa loob-loob ko, mabait naman pala siya.

Ang maipagmamalalaki ko  sa kanya, maalahanin siya. Lagi siyang may pasalubong kahit saan siya pumunta. Tanda niya ang lahat ng Birthdays. Anniversary. Pasko. Bagong Taon. Sa lahat ng okasyon, may masarap siyang niluluto na siya naming pinakakaabangan. Kahit maliit na bagay lang, lagi siyang may inaabot. Nakatapos din ako ng pag-aaral, at sa panahong nakasama ko siya, natuto akong magluto. Natuto akong makisama. Natuto ako sa buhay na malayo sa Nanay at Tatay. Natuto ako na hindi lahat ng bagay ay nakukuha nang madali. At higit sa lahat, hindi pala lahat ay  natututuhan sa apat na sulok ng paaralan. Ang sabi niya, minsan dapat daw tumanaw ka lang sa bintana at makikita mo kung ano ang reyalidad ng buhay. Siya ang nagturo sa akin na ang mga karanasan ang siyang pumupuno sa ating  pagkatao.

Bago ako pumunta ng ibang bansa may sinabi siya akin. Hindi ko maintindihan kung bakit inihabilin niya ang bunso niyang anak. Lagi mong subaybayan ang inaanak mo ha. Bakit, tanong ko? Baka kasi hindi makatapos ng pag-aaral. Pilyo kasi. Hindi ko lang pinansin yun. Pero sa isang sulok ng isip ko, bakit kaya niya sinabi yun?

Nakarating ako ng Bahrain. Para sa akin bagong adventure. Bagong pakikihamok sa buhay. Minsan isang gabi, nanaginip ako. May isang babaeng nakaputi. Nakatingin sa akin. May narinig akong umuungol. Napabalikwas ako at nagising. May umuungol sa kabilang kuwarto. Ang kaibigan ko, binabangungot. Niyugyog ko siya at pilit ginising. Nagising siya at nangangatal. May isang babaeng nakaitim, sabi niya, nakatingin  akin. Ang sabi ko, ako din ay nanaginip at may babaeng nakaputi at kakatingin din sa akin.  Kinabukasan, alas sais ng umaga at nag-ring ang aking cellphone. Normal na sinagot ko.  Ang sabi sa kabilang linya, wala na si Ateng. Umikot ang mundo ko. Hindi ko maintindihan. Saan siya nagpunta, tanong ko? Patay na. Maraming tanong sa isip ko. Maraming marami, na hindi kayang sagutin. Bakit siya pa? Umaagos lang ang luha sa aking mata. Hindi mapatid-patid. Paano akong uuwi? Dalawang taon ang kontrata ko.


Nailibing si Ateng, hindi ako nakauwi. Marami akong gustong sabihin. Marami akong dapat ipagpasalamat. Nagtirik ako ng kandila para sa kanya. Gusto ko siyang alayan ng maraming bulaklak. Gusto ko siyang gawan ng magandang tula. Gusto ko siyang iguhit sa aking panaginip.

Wala na ang panganay na nagturo sa aking kung paano mabuhay nang mag-isa.



Friday, November 9, 2012

SI BARURAY



Kaibigan ko si Baruray. Naging co-teacher ko siya noon sa isang pamantasan sa Pilipinas. Simple siya sa pinakasimpleng taong nakita ko. Kaya lang kapag nakausap mo na siya, magbabago ang pananaw mo sa  buhay.   Unang makadaupang palad ko siya eh kinalyo ang ngala-ngala ko sa katatawa. Ang sabi ko, ano ba naman ito, digital age naka suot pang 80’s pa. May suot pa siyang antipara at may brace ang ngipin. Kasi daw, kapag may braces, sosyal. Dahil nga doon, parang hindi niya maisara ang kanyang bibig.  Kaya lagi siyang nakangiti.

Tinanong ko siya kung nasaan ba siya ng magsabog  ng ganda ang Panginoon. Ang sagot niya, nanduon lang daw siya at talagang inabangan niya ang pagkakataong iyon. Chance of a life time  daw  at   isang milestone nga sanang matatawag. Eh bakit parang wala kang nasalo , tanong ko?  Kasi Kuya Naldy, nagpayong ako. Ayun tuloy, hindi ko nasalo.
Marami siyang mga kwento na ikakaaliw mo. Kapag  nasa bahay siya, lagi siyang nag-popose na parang magpapakuha ng larawan. Kapag  elementary daw, parang inonsente na halos hindi mangiti. Parang nagugulat pa kapag nag-flash ang camera. Ang susunod na gagawin niya, magpo-pose siya na parang High School. Hahawak kunyari  sa mga gumamelang binuhusan ng Beer, na medyo nakangiti, ngunit impit at parang hindi mapakali.  Pagkatapos noon, college na. Ang gagawin niya aakap siya sa pader, itatas ang balakang at saka iwawasiwas ang buhok niya na parang nang-aakit.  Siya daw ang babae na hindi kaylan man tinatapos ang kasal kapag uma-attend  siya ng Wedding Celebration. Tinanong ko siya kung bakit, kasi daw bakit lahat na lang ng babae, ikinakasal, siya lang ang hindi.

Alam mo Kuya Naldy, kapag nagmahal ako sobra-sobra. Talaga? Tanong ko. Yes!!Sagot niya. “Yun ngang una kong nobyo talagang minahal ko. Kaya lang nag-break kami agad. Kasi ba naman akala ko kami na, dahil lagi kaming namamasyal, kumakain sa labas. Parang date baga.  Yun  nga lang, lagi ako ang taya. Pero ok lang sa akin yun kasi mahal ko eh. Tapos minsan nag-fiesta sa kanila, inin-vite niya ako. Ang sabi niya sumama daw ako sa kanila. Gusto kong mag-paimpress sa magulang kaya naghanda talaga ako. Bumili ako ng sugpo, alimango,lapu-lapu. Kung pwede nga lang lahat ng isda sa dagat bilhin ko. Kasi ba naman makikilala ko na ang aking biyenan. Para ngang lumalakad ako sa alapaap noon. Hindi ko inintindi yun biyahe dahil lubak-lubak ang daan. At hindi man niya ako tinulungan sa pagbubuhat ng mga daladalahan ko.  Nang dumating kami sa harap ng kanilang dampa, aba eh siya na ang kumuha ng lahat at ibinigay sa kanyang ina.  Hindi man ako ipinakilala basta sabi niya umupo daw ako kahit saan.  Tapos noon, hinihintay ko maluto ang mga dala ko. Parang wala naming iniluto. Talagang gutom na gutom ako. At saka para namang walang mga tao  o banda ng musiko. Tinanong ko siya kung bakit, walang musikero, o banda. Ang sagot niya, sa susunod daw na punta ko,  talagang fiesta na. Naawa siguro yun Nanay niya kaya pinakain ako ng ginataang munggo. Sa isip-isip ko, talagang, ganoon dapat intindihin dahil ang pagmamahal daw ay matiisin. Medyo nainip na ako kaya, niyaya ko na siya pauwi ng Cabanatuan. Ang sagot niya, hindi daw siya makasama dahil may dadalahuhan siyang kasalan kinabukasan. Ang masakit pa noon, nanghiram  pa siya ng isandaan  para daw siya makauwi . Inihatid lang niya ako ng tingin. Okey lang sa akin  yun, ang masakit wala pang bihaye pauwi, hindi uso sa kanila ang tricycle kaya naglakad ako ng sampung  kilometro  hanggang sakayan. Hinabol pa ako ng tatlong aso sa daan. Buti nga at may dala akong payong, kung hindi para akong basang sisiw na nilalapa ng Agila. Sa loob-loob ko, ang unang asong dumampi sa balat ko, papatayin ko. Sa aso ako talaga nagalit hindi sa kanya.”


Ang morbid naman pala ng unang pag-ibig mo, pakli ko." Hindi naman. Alam mo Kuya Naldy, noong magkita kami, tinawag niya akong Sweety. Ayun, napawi lahat ang alalahanin ko. Tinanong nga niya kung galit ako sa kanya, sabi ko hindi. Wala akong karapatang magalit sa mahal ko. Sabi niya sige para makabawi ako sa iyo, eh pupunta tayo ng party. Debut  ng kaibigan ko kaya isasama kita. Talaga? Kumislap talaga ang  mata ko sa excitement.  Hindi siya nagdalawang salita sa akin. Pumunta agad ako sa pook ng mga  ukay-ukay para makabili ng makintab na damit. Siyempre, debut yun, dapat kumukutitap ang suot ko. Para hindi nakakahiya, hiniram ko yun jeep ng friend ko. Sabi niya kasi marunong siyang mag-drive. Nasa kalagitnaan ng daan, aba eh tumirik  ang  aming sasakyan. Paano na tanong ko? Ayun, pinagtulak niya ako ng jeep mula Burgos Street  hanggang Zulueta. Ang kumukutitap kong damit,  nawala ang kinang. Ang nakakainit ng ulo, sinabayan pa ng kanta ni Sharon Cuneta, ang "Bituing walang ningning". Bali na nga takong ng sapatos ko, duguan pa ang mga paa ko.  Bandang huli ang sinisi ko yun friend ko na nagpahiram ng jeep. Nakalimutan daw niya kasing sabihin na walang gasolina.”

Dahil doon kaya   kayo nag-break, tanong ko?  Hindi pa. Minsan niyaya niya akong manood ng sine.Sabi niya, mauna na daw ako sa Mall at bumili  ng snacks at ticket. Kandarapa naman akong bumili ng pop-corn, softdrinks, at kung ano-anong kukutin. Syempre, excited ako. Tumubos na ako ng dalawang ticket. Kay Fernando Poe pa yata ang palabas noon kasi mahilig daw siya sa action. Isang oras ko siyang hinintay. Yun pop-corn nga, naubos ko na kahihintay. Ang sabi ko na-traffic lang yun. Naghintay pa rin ako. Naglabasan na ang mga tao sa sinehan,  hindi pa rin siya dumating. Nag-alala ako. Pero nawala lahat ng makita ko siya.May kasama siyang iba. Sabi niya sa akin, akina ang ticket, mauna ka na. Ibinigay ko naman. Nasa likod ako, nasa harap ko sila. Hindi naman drama ang pinanunuood ko, pero iyak ako ang iyak.  Ang sabi ko, impakto ka, ipakukulam kita. Kaya ayon, break na kami.

Sabi ko, ang martir mo naman. Oo nga. Kasi gusto ko kapag nagmahal ako, ibubuhos ko lahat lahat  sabi niya.  Bakit? Tanong ko. Eh kasi ampon lang ako. Sino nagsabi, tanong ko muli. Yun adoptive parents ko. Iniwan lang daw ako sa harap ng pinto ng bahay nila. Mabuti nga mababait yung umapon sa akin. Inari nila akong tunay na anak, binihisan at pinag-aral. Kaya bilang ganti, ayun, nag-aral akong mabuti. Nabiyayaan ako ng konting dunong, kaya naging Summa cum Laude.


Dahil sa nalaman ko, nag-iba ang tingin ko kay Baruray. Hindi naman talaga yun ang pangalan niya. Bininyagan lang  naman  siya ng ganoong  pangalan, kasi nga, mahilig siyang magkwento ng nakakatuwang  serye ng buhay niya. Sa  kabila pala  ng mga halakhak at nakakatuwa niyang kwento, nasa likod noon ang isang pangungulila, ang paghahanap ng tunay na pagmamahal.  Kaya pala kahit sa mga kaibigan, kakaiba siya. Ibubuhos niya lahat sa kaibigan para lang maipakita lang kung paano siya magmahal.  Isa lang daw ang hinihiling niya sa Diyos, tuwing nagdarasal siya. Sana, kahit papaano, makita niya ang kanyang tunay na ina at ama.   

P.S.
Tinanong ko si Baruray kung sakaling yumaman ano ang gusto niyang palitan na  parte ng mukha niya.
 o sa katawan. Heto ang sagot niya," wala po akong papalitan ni kahit katiting sa aking katawan, dahil ang  panglabas na kaanyuhan ay  nagmamaliw, samantalang ang ganda ng kalooban ay hindi.' Ayon pa sa kanya, ang mata daw ang bintana ng ating mga kaluluwa kung saan masisinag mo ang katapatan ng isang nilalang. Tapos nagmamadali siyang aalis. Sige, Kuya, bibili pa ako ng makeup. Nyeh.

*****WAKAS******* 


<center style="line-height:0;"><embed src="http://www.singingbox.com/singingbox.swf?user34=b,g,vvb,g,vv"  quality="high" width="200" height="240" name="sbox" type="application/x-shockwave-flash" pluginspage="http://www.macromedia.com/go/getflashplayer"></embed><br>
<a href="http://www.singingbox.org/" target="_blank" style="line-height:20px;">
<img src="http://www.singingbox.com/i/FFFFFF/4D4D4D.gif" border="0" />
</a></center>
(Note: the drawing in this page is not  owned by the author.)